Magkakaroon ng maraming anak at biglaang suwerte
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 19, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Carlos ng Pangasinan.
Dear Mestra,
Tagahanga ako ng inyong kolum at araw-araw ko itong sinusubaybayan. Sana ay maanalisa n’yo ang panaginip ko.
Napanaginipan ko na nakapulot ako ng pera, at ang dami nito. Tuwang-tuwa kong binilang ang mga ito, tapos nagsimba ako upang magpasalamat sa Diyos sa napakalaking halaga ng pera na napulot ko.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Carlos
Sa iyo, Carlos,
Maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo na nakapulot ka ng pera dahil ito ay nangangahulugan ng kasaganaan o general prosperity. Biglaan at nakakagulat na suwerte ang nakatakdang mapasaiyo sa susunod na mga araw, hindi lamang sa trabaho mo kundi maging sa negosyo at larangan ng pag-ibig.
Samantala, ang sabi mo ay binilang mo ito at tuwang-tuwa ka habang nagbibilang, nagpapahiwatig ito na bibiyayaan ang pag-aasawa mo ng maraming anak. Magkakaroon ka ng mga gifted children na magbibigay ng karangalan sa inyo ng magiging asawa mo.
Ang nagsimba ka upang magpasalamat sa Diyos dahil sa malaking halaga na napulot mo ay nagpapahiwatig ng kapayapaan, kaunlaran, kaligayahan at magandang pamumuhay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments