top of page

Magkaka-gf kahit ‘di manligaw, magkakaroon pa ng kabit

  • BULGAR
  • Sep 13, 2022
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | September 13, 2022



KATANUNGAN

  1. Sa edad kong 31, ako ay mahiyain at takot manligaw, kaya kahit minsan ay hindi pa ako nagkaka-girlfriend. Naisipan kong sumangguni sa iyo, Maestro, upang malaman kung kahit ba hindi ako manligaw, magkaka-girlfriend pa rin ako? Nakakita kasi ako ng dalawang Marriage Line sa aking mga palad. Ibig sabihin ba nito, dalawang beses akong magkakaroon ng masayang pakikipagrelasyon?

  2. Kung tama ang pagbasa ko sa aking mga palad gaya ng mga nababasa ko sa mga itinuturo n’yo, kailan magaganap ang pakikipagrelasyong nakaguhit sa palad ko at kung ang babae na bang ito ang magiging girlfriend ko?

  3. Ano naman ang palatandaan kung siya na ang nasa guhit ng palad ko na mapapangasawa at makakasama ko nang panghabambuhay?

KASAGUTAN

  1. Tama ka, Jayvee, kahit hindi ka manligaw, magkaka-girlfriend ka at ang unang magiging karelasyon mo ang posible mo nang mapangasawa, ayon sa mahaba, makapal at kitang-kita na unang Marriage Line (Drawing A. at B.1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na ang unang magiging girlfriend mo ang iyong mapapangasawa.

  2. Ngunit sa kabilang banda, magtataka at magtatanong ka kung ano naman ang ibig sabihin ng ikalawang mas maikli, hindi masyadong mahaba at hindi gaanong malinaw na ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito naman ay tanda na kahit may girlfriend o asawa ka na, magkakagusto ka pa rin sa iba at kapag hindi mo ‘yun pinigilan, posibleng may ikalawa pang babae na dumating sa iyong buhay kahit may asawa ka na.

  3. Subalit kung may dumating nga, dahil maikli at hindi rin malinaw ang ikalawang Marriage Line (2-M arrow b.), maaari kang magkaroon ng illicit love affair sa ibang babae habang may asawa ka na, pero hindi magtatagal ang nasabing relasyon.

  4. Sa halip, higit mong mapapanatili at magiging panghabambuhay ang pakikipagrelasyon mo sa iyong asawa. Kumbaga, nakipagrelasyon ka lang sa ibang babae upang maranasan ang may other woman, kaya kapag nalaman mo na hindi rin pala maganda at masaya, kusa kang makikipagkalas sa nasabing ikalawang Marriage Line (2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, na nagpapahiwatig ng panandalian at immoral na relasyon.

DAPAT GAWIN

Sadyang mapalad ka, Jayvee, dahil ayon sa iyong mga datos, kahit hindi ka manligaw sa panahon ding ito na papalapit ang Pasko, darating ang isang babae na may zodiac sign na Cancer at may birth date na 1, 10, 19 o 28. Siya na ang magiging una at huling girlfriend mo, na sa bandang huli ay tuluyan na ring mapapangasawa na nakatakdang mangyari sa taong 2024 at sa edad mong 33 pataas.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page