Maging mulat kontra-korupsiyon
- BULGAR
- 2 days ago
- 1 min read
by Info @Editorial | September 11, 2025

Habang binabaha ang maraming lugar sa bansa, lumalabas ang mas malalang problema — korupsiyon sa flood control projects.
Sa halip na solusyon, naging negosyo ito para sa ilang tiwaling opisyal.
Ayon sa mga lumalabas sa imbestigasyon sa Kongreso, may mga proyektong binayaran na kahit hindi naman natapos, may overpricing, at may mga kickback na ibinibigay umano sa ilang opisyal.
Ginagamit ang pondo ng bayan para sa sariling interes ng iilan. Habang ang karaniwang Pilipino, paulit-ulit na nababaha at nawawalan ng tirahan.
Kaya dapat, alam natin ang nangyayari.
Dapat sinusubaybayan natin ang imbestigasyon, kilalanin ang mga sangkot, at manindigan para sa pananagutan. Kung wala tayong alam, madali tayong paasahin at lokohin.
Ang pondo para sa flood control ay galing sa ating buwis. Kaya may karapatan tayong malaman kung saan ito napunta.
Ang pananahimik ay parang pagsang-ayon sa mali.
Kung gusto natin ng pagbabago, kailangan nating maging mulat. Hindi ito trabaho lang ng gobyerno — responsibilidad din natin bilang mamamayan na magbantay at magsalita.
Kung hindi tayo kikilos, tayo rin ang tuluyang lulubog sa baha at sa korupsiyon.
Comments