top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Magiging GF si crush kahit ‘di ligawan

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 9, 2020
2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| December 9, 2020



Dear Maestro,


May crush ako, pero nahihiya akong manligaw. Itatanong ko kung kahit hindi ba ligawan ang isang babaeng crush mo, may tsansa bang maging girlfriend mo siya? September 16, 1998 ang birthday ko at January 19, 1999 naman ang babaeng sinasabi ko. Compatible ba ang ganu’ng kumbinasyon ng birthday at may pag-asa bang maging kami?


Umaasa,

Ericson ng San Felix, Victoria, Laguna


Dear Ericson,


Sa tanong na, kahit hindi ligawan ang babaeng crush mo, may tsansa bang maging girlfriend mo siya? Ganito yan, sa aktuwal na buhay, maraming beses nang napatunayang kahit hindi gusto ng lalaki ang isang babae, nagiging girlfriend niya ito at minsan ay napapangasawa niya pa.


Nangyayari ang ganu’n dahil minsan, may mga babaeng hindi naman sa malakas ang loob, bagkus, tawagin na lang nating mahusay dumiskarte upang magparamdam sa lalaking gustung-gusto niya.


Sa mas maliwanag na salita, hindi maaalis na may mga babae talagang nanliligaw din, pero pasimple o simple lang ang landi at hindi masyadong halata. Gayunman, in fairness, ang nilalandi lang nila nang pasimple ay ‘yung mga lalaking gusto talaga nila.


Ganu’n ‘yun! Kaya ang una mong dapat alamin, Ericson ay kung may matinding crush din ba sa iyo ang crush mo. Kung “oo” ang iyong tugon kung saan ganu’n nga ang sitwasyon, dahil malakas ang loob ng mga Taong Uno tulad ng babaeng tinutukoy mo at mahina naman ang loob ng mga Taong Siete tulad mo (ang 16 ay 1+6=7), kaya sobrang laki ng posibilidad na sa bandang huli, “Ang Taong Uno na crush si Taong Siete, ang kusang gagawa ng paraan at magbibigay ng motibo upang mabuo ang wagas at panghabambuhay na relasyon.”


At dahil ang mga Taong Siete tulad mo ay bukod sa mahina ang loob, tahimik at mahiyain, isama na rin natin ang Taong Dos, ang kadalasang nangyayari, napapangibabawan ng mga strong number tulad ng 1, 10, 19, 28, 9, 18, 27, 8, 17, 26, 4, 13, 22 at 31 ang kanilang kapalaran.


Kagaya ng naipaliwanag sa itaas, maraming bilang ng mga lalaking may “weak number” ang nakapag-asawa ng mga babaeng may “strong number”, na hindi naman nila talaga gustung-gusto.


Hindi naman natin sinasabing kaya nangyari ‘yun ay pinilit o pinikot ang lalaking may weak number. Bagkus, ang ipinapaliwanag natin ay ganito, “Dahil hindi marunong tumanggi ang mga Taong Dos at Siete, napapa-“yes” sila sa mga babaeng may strong number, kahit ito ay hindi nila masyadong gusto.”


Samantala, sa Astrology naman, ang zodiac sign mong Virgo ay pinangingibabawan ng elementong earth o lupa, na siya rin namang elementong nangingibabaw sa isang Capricorn.


Dahil pareho kayong Earth type sign, tunay ngang kaunting pagkagusto lang sa iyo ng crush mong babae, tiyak ang magaganap — kahit hindi ka kumikibo, basta palagi mo siyang titigan sa pagitan ng kanyang mga mata, kusa ka rin niyang magugustuhan, hanggang sa bandang huli ay siya na ang magpakita ng motibo.


Sa panahong may ipinakikita nang motibo ang nasabing babae, isa na lang ang gagawin mo upang maging girlfriend mo siya – sunggaban mo agad!


Sa ganyang paraan, sa buwan ding ito ng Disyembre, bago tuluyang sumapit ang Pasko, sa edad mong 22 pataas at 21 naman ang babaeng sinasabi mo, may isang nakakikilig na relasyong mabubuo na hahantong sa masarap at matimyas na pagmamahalan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page