Magdasal ka na, sister (38)
- BULGAR
- Dec 10, 2023
- 2 min read
ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 10, 2023

Hinarang ng masasamang tao ang kotseng sinasakyan ng kanyang mga magulang matapos itong magpunta sa isang orphanage para mag-donate. Hindi lang mga magulang niya ang kasama sa trahedya na iyon, dahil maging ang mga magulang ni David ay kasama rin du’n. Matalik na magkaibigan kasi ang kanilang mga magulang.
“Iwanan mo na lang kaya ako rito?” Nag-aalalang sabi niya kay Mark.
“At bakit ko naman gagawin iyon?”
“Baka kasi hulihin ka ni…”
“Wala naman akong masamang ginawa. Hindi rin naman sapat ang ebidensyang sinasabi ng kaibigan mo.”
Malalim na buntong hininga ang kanyang pinawalan. “Ewan ko nga ba kung bakit ganu’n ang sinabi ni David.”
“Nagseselos kasi siya.”
Noon lang din niya naisip na nanliligaw nga pala sa kanya si David. Hindi naman kasi niya iniisip na may gusto ito sa kanya. Mas gusto niya kasi itong maging kaibigan. Hindi rin niya mai-imagine na nakikipagyakapan at nakikipaghalikan siya rito.
Hindi man sila magkadugo, pero nakakadiring isipin iyon. Tinuturing niya na kasi itong parang kapatid. Kaya para sa kanya, maituturing na incest iyon.
“Puntahan na natin ang mga madre,” wika niya.
Nanlaki ang mga mata niya nang makita niyang bilog na bilog ang buwan. Lalo tuloy dumagundong ang kanyang dibdib.
“Bakit?”
“Full moon ngayon.”
“Eh, ano naman?” Nagtatakang tanong nito sa kanya.
“Naalala ko sa tuwing bilog ang buwan, may namamatay. Tulad ng…”
“Ng ano?”
“Full moon din noong namatay ang aming mga magulang.”
Kumunot ang noo ni Mark sa sobrang pagkalito. “Ano bang gusto mong sabihin?”
“Puntahan na muna natin sila,” wika niya habang nag-aalala para sa mga madreng nasa loob ng kumbento.
Sa kanyang isipan may boses na nagsasabing, “kasalanan ng mga taong iyon kung bakit namatay ang ating mga magulang. Kung hindi nila pinapunta sa orphanage ang ating mga magulang, buhay pa sana sila ngayon.” galit na galit na sabi ng batang si David.
Itutuloy…








Comments