top of page

Mister na dedma sa responsibilidad, luho at sarili ang priority

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 15h
  • 3 min read

ni Mabel Vieron @Dear Roma Amor | January 26, 2026



DEAR ROMA AMOR
Dear Roma Amor - Husband and wife FP


Dear Roma, 


Ako si Mayeh, 26, married, at may isang anak na walong buwan pa lamang. May kani-kanyang trabaho kami ng asawa ko, at ibinibigay niya sa akin ang buong suweldo niya, pero kahit na ganu’n kulang pa rin, hindi dahil sa pangangailangan ng pamilya, kundi dahil mas inuuna niya ang sarili niyang luho.


Sa totoo lang, kapag ibinibigay niya ang suweldo niya, ramdam kong napipilitan lang siya. Madalas, siya pa ang nagrereklamo kapag pinapaalalahanan ko siya sa mga gastusin. May mga pagkakataon pang kailangan kong mangutang para lang may pambili ng gatas at iba pang pangangailangan ng aming beybi, habang siya ay chill lang sa paggastos para sa sarili niya. Dahil dito, wala kaming ipon at pakiramdam ko, ako lang ang nag-aalala para sa kinabukasan ng anak namin.


Kaya naisipan kong ibigay na lang sa kanya ang suweldo niya ngayong buwan para maramdaman niya kung gaano kahirap mag-budget at kung gaano kalaki ang responsibilidad ng pagiging ama at asawa.


Samantala, may isa pa akong pinoproblema. Pansin kong ayaw niyang magpa-picture kasama kami. Kailangan ko pa siyang pilitin, at minsan ay halata pa ang inis niya. Ang mas masakit pa, madalas ko siyang nakikitang masaya at masigla kapag ka-chat niya ang mga katrabaho niya, lalo na ang isang babae na palagi niyang kausap.


Pakiramdam ko, mas concerned pa siya sa ibang tao kesa sa aming mag-ina.


Madalas ko tuloy tanungin ang sarili ko kung sapat pa ba ako bilang asawa at kung mahal pa ba niya talaga kami ng anak niya. Ayokong mag-isip ng masama, pero hindi ko maiwasang masaktan at magduda. Ano ba ang dapat kong gawin? 


Umaasa, 

Mayeh



Sa iyo, Mayeh,


Hindi ka lang simpleng nag-o-overthink, may dahilan kung bakit ka nag-aalala. Ang problema mo ay hindi lang tungkol sa pera, kundi tungkol sa responsibilidad, respeto, at emosyonal na presensya ng isang asawa at ama.


Tama ang iniisip mong hakbang na ipaubaya muna sa kanya ang kanyang suweldo. Hindi ito para parusahan siya, kundi para iparamdam kung gaano kabigat ang responsibilidad na matagal mo nang pasan-pasan. Ngunit tandaan, hindi sapat ang ganitong hakbang kung walang malinaw at seryosong pag-uusap.


Kailangan mo siyang kausapin, hindi sa gitna ng galit o sama ng loob, kundi sa panahong kalmado ka at malinaw ang isip. Sabihin mo sa kanya ang totoo, na nasasaktan, nag-aalala, at na pakiramdam mo ay napag-iiwanan kayo. Huwag mong ipagpalit ang katahimikan kapalit ng kapayapaan, dahil sa huli, ikaw rin ang mauubos.


Tungkol naman sa pagiging distant niya at sa labis niyang pakikipag-chat sa iba, may karapatan kang magtakda ng hangganan. Ang isang lalaking may asawa at anak ay dapat marunong rumespeto sa damdamin ng kanyang pamilya. Hindi ka mali kung humihingi ka ng oras, atensyon, at katiyakan.


Kung makikita mong handa siyang makinig, magbago, at magpakita ng konkretong aksyon, bigyan mo ng pagkakataon ang inyong pagsasama. Ngunit kung patuloy kang binabalewala, huwag mo nang ipagsiksikan ang sarili mo sa isang relasyon kung saan pakiramdam mo’y mag-isa ka pa rin.


Tandaan mo, ang pagiging asawa at ina ay hindi nangangahulugang kailangan mong tiisin ang lahat. Karapat-dapat ka sa respeto, pagmamahal, at seguridad, lalo na para sa anak na umaasa sa inyong dalawa.


Alagaan mo ang sarili mo, Mayeh. Maging matatag ka, hindi lang bilang asawa, kundi bilang ina.


Lubos na gumagalang, 

Roma



Bukas ang pahayagang ito para sa inyong damdamin at kuwento ng pag-ibig; sumulat lamang sa ROMA AMOR at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa romaamorbulgar@gmail.com


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page