top of page

Magdasal ka na, sister (27)

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 28, 2023
  • 1 min read

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 28, 2023




Uminit ang ulo ni David sa pagtatanggol ni Maritoni kay Mark. Iba kasi ang nababasa niya sa kilos nito. Kilalang-kilala niya ito, kaya alam niya kung ano ang tumatakbo sa puso’t isipan ng dalaga.


“Mukhang bilib na bilib ka sa Mark Ferrer na ‘yun, ah?”


“Nakilala ko lang siya nang husto.”


“Bumalik ka na sa pagiging madre mo.”


“Ayoko.”


“Akala ko ba may gusto kang patunayan? Nakalimutan mo na ba ‘yun? Parang sinasabi mo na rin na hindi talaga maaasahan ang mga babae sa mga misyon. Mas inuuna kasi ang puson…”


“Ano?”


“Gawin mo ang trabaho mo,”


Naningkit ang mga mata niya. Hindi niya maiwasang makaramdam ng selos. Ang tagal na niyang nagtatapat ng kanyang damdamin kay Maritoni ngunit hindi ito sineseryoso ng dalaga.


Malaki ang paniniwala ni David na hindi inosente si Mark. Kaya kinakailangan niyang kumilos para malaman niya ang katotohanan. Unang kita palang kasi niya sa lalaking iyon, alam na niyang may mali rito.


Nu’ng nakaraang araw, ‘di niya napigilang sundan si Maritoni at du’n niya nakita si Mark Ferrer.


“Kaya naman pala ayaw nang magpanggap na madre dahil may ibang gustong luhuran.”


Ang puso niya ay napuno ng matinding selos kaya hindi niya napigilang maging bastos.


Ang tipo kasi ni Mark Ferrer ay ‘yun bang nagbibilang ng dyowa, kaya kung hindi niya ibubuking ang tunay na pagkatao nito, paniguradong mapapahamak si Maritoni at hindi niya iyon gugustuhing mangyari.


“Isip…isip…isip…”


Kinakailangan niyang pag-isipang mabuti ang kanyang gagawin upang makuha niya ang taong para sa kanya. Napangisi siya sa kanyang naisip na paraan para mawala ang interes ni Maritoni rito.


Itutuloy…



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page