top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mag-asawang tres at uno, super-compatible kaya ‘di maghihiwalay kahit babaero ang mister

BULGAR
Apr 2, 2022
3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| April 2, 2022


Dear Maestro,


Napakababaero ng aking asawa. Noong una, pinipigilan ko pa siya, na laging nagiging dahilan ng aming pag-aaway, pero sa katagalan, nasanay din ako sa mga kalokohan niya.


Kaya lang, minsan ay iniisip ko ring makipaghiwalay kapag hindi pa rin siya nagbago, pero hindi ko magawa dahil naaawa ako sa mga anak namin dahil lalaki sila sa broken family.


Maestro, magbabago at magtitino pa ba ang aking asawa, at titigil pa ba siya sa pambababae? September 19, 1985 ang birthday niya, habang May 12, 1986 naman ang birthday ko.


Umaasa,

Charity ng Bilaran, Nasugbu, Batangas


Dear Charity,


Tunay ngang maaaring wala nang pag-asang magbago ang iyong asawa dahil sa istatistikal na tala, ayon sa magazine na Astrology, karamihan sa mga babaero ay isinilang sa mga petsang 4, 13, 22 at 31, at sinusundan ng mga taong may bitbit na 1, 10, 19 at 28. Sila ang mga Taong Kuwatro (4) at Uno (1), na itinala na may pinakamaraming bilang ng mga nambabae.


Easy go lucky kasi ang mga Taong Uno, kumbaga, mahalaga ang kanilang sarili na kailangang maging masaya. Kaya kung hindi na sila masaya, naghahanap sila ng paraan para sumaya ulit. Kaya kapag ang Taong Uno na may asawa na ay nalulungkot o wala nang makitang saya sa kanyang buhay pagpapamilya, ang tendency ay mambabae o mahilig sa barkada at puwede ring sa alak, bisyo at iba pang bagay na ikakasaya nila.


At sa kaso ng iyong asawa, nagkataon pang six (6) ang destiny number niya, dahil ang September 19, 1985 ay 9+19+1985=2013/ 20+13=33/ 3+3=6, nangangahulugang lapitin talaga siya ng babae at dahil hindi naman talaga niya tinatanggihan, nakakarami siya ng babae habang umuusad ang panahon ng kanyang kasikatan, kalakasan at sabihin na nating habang siya ay may lakas at ibubuga pa sa anumang uri ng pakikipagrelasyon na ikasasaya niya.


Kaya sa tanong kung magbabago pa ba siya, oo naman, kapag matanda at laos na siya o kapag mahina na ang katawan at wala nang lakas para mambabae pa.


May isa pang paraan para magbago ang babaerong Taong Uno at Taong Kuwatro o sabihin na nating para hindi sila mambabae, kailangang makakita sila ng outlet na magiging masaya sila tulad ng pamumulitika. ‘Yun bang sikat sila at nakapagyayabang, sa ganu’n kasing sitwasyon, masayang-masaya ang mga Taong Uno at Taong Kuwatro.


Hindi mo naman siya dapat iwanan dahil ang totoo ay nambabae siya, hindi dahil mahal niya ang kanyang babae, bagkus, gusto niya lang magyabang at maging masaya.


Tulad ng nasabi na, hindi mo siya dapat iwanan at hindi mo siya talaga kayang iwanan dahil kung tutuusin, parang pinagtugma talagang magsama ang Taong Tres (3) na birth date mo (dahil ang 12 ay 1+2=3) at Taong Uno na birth date niya (dahil ang 19 ay 1+9=10/ 1+0=1). Dahil ang Taong Tres ay sobrang matiisin at may pagkamartir, habang ang Taong Uno, minsan ay walang pakialam sa pamilya at mas mahal pa ang kanyang babae, bisyo o mga kaibigan. Kaya tugma kayo, ikaw si matiisin at may pagka-martir, habang siya naman ay nagbibigay sa iyo ng problema, sakit ng ulo at mga bagay na titiisin.


Kaya sa bandang huli, kahit ano pang kasalanan ang gawin niya, hangga’t nananatili ang pagiging Taong Tres mo, blessing in disguise, para na rin sa kinabukasan ng inyong mga anak, mananatiling buo ang inyong pamilya. Kumbaga, dahil sa pagiging dugong bayani mo at may pagkamartir ay makakaya mo ring isakripisyo ang lahat alang-alang sa iyong mga anak at sa pananatili ng buo n’yong pamilya.


Sa final analysis, tulad ng tipikal na Filipina na larawan din ni Maria Clara, minsan ay sakit talaga ng ulo ang babaero at walang kuwentang asawa, subalit kailangang magtiis at magsakripisyo upang mapanatili ang buo at matatag na pamilya.


Sa kabilang banda, ang mga Taong Tres na tulad mo, unconsciously o hindi nila alam, habang nagtitiis at nagsasakripisyo, nakagugulat, pero ‘yun ang katotohanan – doon sila lihim na naging masaya at habambuhay na nagiging maligaya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page