- BULGAR
Mag-asawang Cancer-Capricorn, magkakabalikan kahit naghiwalay dahil sa pera
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| September 7, 2022
Dear Maestro,
Madalas ang pag-aaway ng mga magulang ko hinggil sa pinansyal na problema, hanggang sa tuluyan na silang naghiwalay. At ngayon, mag-iisang buwan nang hindi umuuwi ang tatay ko.
Sa tulong n’yo, nais kong malaman kung maaayos pa ba ang pamilya namin at magkakabalikan pa ba ang mga magulang ko? July 8, 1973 ang birthday ng nanay ko at December 29, 1972 naman ang birthday ng tatay ko.
Umaasa,
Beverly ng San Julian, Malasiqui, Pangasinan
Dear Beverly,
Ang tatay at nanay mo ay compatible sa ikatlong teorya o batas ng compatibility, na sumasailalim ng prinsipyong “opposite poles attract” gaya ng enerhiya ng magneto o ng batobalani.
Sapakat ang zodiac sign na Cancer ng nanay mo na water type sign ay katumbalik na lakas ng Capricorn na zodiac sign ng tatay mo na isang earth type sign. Tunay ngang tugma ang “tubig at lupa,” sapagkat sa malalim na mistisismo, hindi magkakaanyo ang lupa kung walang tubig, habang wala rin namang hugis ang tubig kung walang lupa.
Samakatuwid, silang dalawa ang mahalagang sangkap o produkto ng paglalang. Kaya anuman ang mangyari sa relasyong earth-water elements, gaya ng tatay at nanay mo, tiyak na sila ay muling mag-uugnay at magsasama habambuhay sa panahong itinakda ng kapalaran.
Ang nakakatuwa, halos ganundin ang prinsipyo ng weak number na 29 o 2 (ang 29 ay 2+9=11/ 1+1=2) ng tatay mo, na hindi mabubuhay kung walang katugma o kasamang strong number na tinataglay naman ng nanay mo na may birth date na 8.
Gayunman, kung hindi gagawa ng paraan ang strong number na 8 upang sila ay magsama, mananatili ang pagiging weak o mahina ng tatay mo, na may birth date na 29 o 2, kaya possible pa ring hindi maganap ang nakatakda nilang pagbabalikan.
Ang magagawa n’yong magkakapatid ay kumbinsihin ang nanay n’yo na kausapin ang inyong tatay. Sa sandaling nag-usap sila, mananaig ang pagiging compatible o magkatugma ng kanilang mga zodiac signs at numero, kaya lalaki ang tsansa na sila ay magkabalikan.
Sa ganu’ng paraan, ‘pag may intervention o pagsisikap ang mga anak upang pagkasunduin ang kanilang mga magulang na naghiwalay o nagkagalit, walang duda na muling mabubuo ang inyong tahanan at muling magkakasama ang maligaya at panghabambuhay na pamilya.