top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mag-asawa na taong singko, lalong yayaman

BULGAR
Oct 17, 2022
3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| October 17, 2022

Dear Maestro,


Sa aming magkakapatid, ako lang ang nakakaluwag sa buhay, kaya kadalasan, ako ang kanilang hinihiraman ng pera at madalas ay wala nang balikan. Kapag sinisingil ko na, ipinamamalita pa nila sa mga kapitbahay at kamag-anak namin na kuripot ako, gayundin, hindi ko raw madadala sa langit ang kayamanan ko. Mayroon palang ganu’ng mga kapatid, na bukod sa walang utang na loob ay sinisiraan ka pa matapos mong matulungan.


May isa akong kapatid na may utang sa akin na malaking halaga at kapag sinisingil ko siya, puro pangako at hindi ko naman siya maidemanda dahil kapatid ko.


Darating na ang mister kong seaman at kapag nalaman niyang pinapautang ko sa mga kapatid ko ang kanyang ipinapadala, tiyak na magagalit siya. Ano ang dapat kong gawin para masingil ko sila?


Hinggil naman sa negosyo, Maestro, may grocery ako sa harap ng bahay namin na hindi naman nalulugi, pero marami ring utang ang mga kapatid ko na hindi rin nababayaran. Balak ko na itong isara para wala na silang mautangan, pero ayaw naman ng mister ko. Sa halip, gusto niyang magbukas kami ng isa pang grocery sa palengke para kapag tumigil siya sa pag-a-abroad, ‘yun na ang gawin naming negosyo.


Dati kasi siyang nagtitinda rito, kaya alam niyang malakas ang negosyo, pero natawagan siya sa abroad. Uunlad ba kaming mag-asawa sa negosyong grocery? October 23, 1978 ang birthday ko, habang February 14, 1994 naman ang birthday ng mister ko.


Umaasa,

Jennifer ng San Gabriel, Santa Maria, Bulacan


Dear Jennifer,


Talagang ganyan ang buhay dahil ipinahintulot ni Lord na ikaw ang magkaroon ng kaluwagan sa buhay kung ikukumpara sa iyong mga kapatid, kaya ikaw talaga ang magiging takbuhan sa tuwing sila ay nagigipit at may mahigpit na pangangailangan.

Sabi nga ni Kuya Manoling, lahat ng tao ay may paghihirap na dinaranas, kung saan kani-kanya lang talaga tayo ng pasanin sa buhay. Ang pasanin mo ngayon ay ang mga kapatid mong mangungutang, na kapag sinisingil mo ay ikaw pa ang lumalabas na masama kahit nakatulong ka na sa kanila.


Ganu’n talaga ang buhay, pero dahil patuloy at walang sawa kang tumutulong, tuloy-tuloy ding darating sa iyo ang iba’t ibang uri ng suwerte at magagandang kapalaran sa susunod na mga araw.


Gayunman, ‘ika nga sa Bible, “Huwag pakainin ang ayaw magtrabaho!” (2 Tesalonica 3:10), at sinasabi ko naman sa inyo ngayon, “Huwag mong pautangin ang mga tamad at silang mga walang kakayahang magbayad.” Tandaan mo, ang dapat mo lang pautangin ay ang mga kapatid mong masisipag at may pambayad.


Samantala, kapansin-pansing parehong singko (5) ang birth date n’yo ng iyong mister, kung saan ikaw ay 23 at siya naman ay 14, dahil ang 23 ay 2+3=5, habang ang 14 ay 1+4=5.


Ibig sabihin, dahil pareho kayong Taong Singko ni mister, ituloy n’yo lang ang negosyo n’yong grocery, mag-concentrate kayo r’yan at sundin mo ang mungkahi ni mister na kumuha ng isa pang puwesto sa palengke o sa mga lugar na matao para makapagbukas kayo ng ikalawang grocery.


Sapagkat sa nasabing negosyo, dahil “double five” kayong mag-asawa at pagkatapos ay palagi pa kayong gagamit ng kulay na pula at mga numerong 555 o 888, halimbawa, sa plate number ng sasakyan, kapag sinunod n’yo ang mga simpleng rekomendasyong nabanggit, habang patuloy sa pangungutang sa iyo ang iyong mga kapatid — na indikasyon lamang na nakakatulong ka sa kanila— kayo namang mag-asawa ay lalo pang pagpapalain ni Lord, tuloy-tuloy kayong uunlad at kailanma’y hindi mauubusan ng pera at sa susunod na panahon, lalo pa kayong yayaman.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page