ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | January 3, 2024
Dear Sister Isabel,
Suwerte ako sa buhay dahil mayroon akong bahay sa Tagaytay na kung saan mayayaman lang ang nakaka-afford. Binili ‘yun ng anak ko na nagtatrabaho sa abroad para roon na ako tumira at para na rin tuwing magbabakasyon siya sa Pilipinas ay may disente siyang bahay.
Ang problema ay isa akong church leader sa probinsya namin. May sarili akong religious group kaya umuuwi ako ru’n once a month upang pangasiwaan ang aming mga gawaing spiritual. Kung wala ako, tiyak na mabubuwag ang grupo namin at ayokong mangyari ‘yun. Dahil dyan, nagtampo ang anak ko sa abroad.
Gusto niyang bitawan ko na ang mga gawain ko sa simbahan, at du’n na lang mamalagi sa Tagaytay para ‘di rin mapabayaan ang bahay na pinundar niya.
Hindi ko na alam ang gagawin ko. Parang hindi ko kayang bitawan ang grupo kong pinangangasiwaan sa simbahan. Ayokong mabuwag iyon. Isa pa, nanghihina at nagkakasakit ako kapag walang gawaing spiritual. Parang vitamins ko na ang paglilingkod sa Diyos.
Ano ang maipapayo n’yo sa akin, susundin ko ba ang anak ko o ang tawag ng gawaing spiritual na siyang nagpapanatiling malusog sa tunay kong edad?
Nagpapasalamat,
Elizabeth ng Lucban, Quezon
Sa iyo, Elizabeth,
Kausapin mo nang maayos ang anak mo. Ipaliwanag mong mabuti ang kalagayan mo sa simbahang pinaglilingkuran mo. Tutal naman kamo once a month lang iyon o kahit sabihin pang inaabot ka ng two weeks sa probinsya para gampanan ang gawaing nakaatang sa iyong balikat. Sa palagay ko ay maiintindihan ka ng anak mo basta’t ipakita mo lang na maayos naman ang bahay na binili niya, at hindi mo naman pinapabayaan.
Hanggang dito na lang, daanin mo sa diplomasya ang anak mo, hindi sa magulong pagpapaliwanag. Cool ka lang, taunin mo na nasa mood siya kapag kinausap mo na siya. Gagabayan ka ng Diyos sa iyong pakikipag-usap sa anak mo. Tiyak ko iyan sapagkat ikaw ay tagapaglingkod niya.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Opmerkingen