Madir na may dyowang bagets… Anak, problemado sa pangmamanyak ng stepdad
- BULGAR
- Sep 11, 2023
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig |September 11, 2023
Dear Sister Isabel,
Biyuda na ang mama ko, at isang taon pa lang ang nakakalipas ay nag-asawa na muli siya. Bata pa ang napangasawa niya ngayon, at halos kasing edad ko lang. 28-years-old na ako habang si mama ay 42-years-old.
Dito na sa amin nakatira ang pangalawa niyang asawa na walang trabaho, pinag-aaral siya ng mama ko, at malapit na siyang grumadweyt.
Pogi at masarap kausap ‘yung stepdad ko, malambing at maalalahanin din, kaya siguro na-inlove agad ang mama ko sa kanya.
Kaya lang, mula nu’ng tumira siya rito sa amin, nahahalata ko na panay ang titig niya sa akin. Napansin ko na parang may pagnanasa siya sa akin lalo na ‘pag kaming dalawa lang ang tao sa bahay, kung kaya’t nagkukulong na lang sa kwarto, pero hanggang kailan ko ito gagawin? Laging wala si mama dahil manager siya ng isang malaking kumpanya, kailangan niya laging pumasok sa trabaho.
Malapit na rin akong makagradweyt sa kurso ko at balak kong magtrabaho agad para hindi na ko uuwi rito sa bahay. Magbo-board na lang ako para maiwasan ko ‘yung stepdad ko na halos araw-araw ay ramdam ko ang matinding pagnanasa niya sa akin sa pamamagitan ng mga malisyoso niyang tingin at panghihipo na kunwari ay ‘di niya sinasadya.
Tama ba ang gagawin ko, Sister Isabel? Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Lorna ng Pampanga
Sa iyo, Lorna,
Maraming salamat sa pagsubaybay mo sa column ko. Tanging hangad at layunin ko ay makatulong sa inyo sa pamamagitan ng makabuluhang payo sa inyong problema.
Tama ka sa gagawin mo, makakabuting magboard ka na lang kapag naka-graduate ka na at nakatagpo ng magandang trabaho. Marapat lamang na iwasan mo ang stepdad mo bago mahuli ang lahat.
Ikaw na ang bahalang magpaliwanag sa mama mo, sa paraang hindi niya malalaman ang tunay na dahilan. Kung sasabihin mo ang tunay na dahilan sa kanya, malamang ay ‘di siya maniwala sa iyo.
Sa palagay ko naman ay papayag ang mama mo na magbukod ka na, lalo na’t alam niya rin namang kaya mo na ang iyong sarili. At palagay ko rin ay matutuwa siya dahil wala na magiging sagabal sa kanila ng bago niyang boyfriend. Nawa’y gumaan ang iyong pakiramdam sa sandaling mabasa mo ang payo ko.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo



Comments