Mabilis na pagsaklolo sa mga biktima ng lindol
@Editorial | July 29, 2022
Kasunod ng magnitude 7 na pagyanig sa Luzon, tumambad ang mga pinsalang naidulot nito.
Wasak ang mga gusali, bahay, simbahan, kalsada at iba pang imprastruktura.
Nakalulungkot na may mga nasawi at marami rin ang nasugatan.
Kaugnay nito, agad namang tiniyak ng gobyerno ang pagtugon sa pangangailangan ng mga apektado ng lindol.
Personal na nagtungo si Pangulong Bongbong Marcos at kanyang gabinete sa mga napinsalang lugar upang malaman ang lawak ng pinsala at upang maibigay ang agarang ayuda.
Kasabay nito, may iba pa umanong inihahanda ang gobyerno para sa pangmatagalang tulong sa mga lugar na lantad sa kalamidad.
Sa anumang sitwasyon tulad nito, napakalaking bagay na maramdaman ng mga biktima ang mabilisang tugon at pagkalinga ng pamahalaan. Nawawala ang takot at mas lumalakas ang loob na harapin ang pagsubok. Kung nakikita at nararanasan ng mamamayan ang suporta ng gobyerno, mas mabilis ang pagbangon.
Hindi na sana maulit ‘yung mga eksena na halos buwan na ang lumipas, hindi pa rin nakararating ang tulong hanggang sa nabulok na ang mga inaasahang relief goods. ‘Yung taon na ang dumaan, nasa evacuation center pa rin ang mga nagsilikas na pamilya.
Umaasa tayo na magpapatuloy ang sigasig ng mga bagong kinatawan ng gobyerno. Sana hindi mabigo ang milyun-milyong nagtiwala.
Muli, sa ating mga kababayan na apektado ng lindol, magdasal lang tayo at may awa ang Diyos, muling mabubuo ang mga tahanan at kabuhayan na winasak ng lindol. Muli itong maitatayo nang mas malaki at mas matatag laban sa anumang kalamidad.



Comments