top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Maayos na pirma at tamang paggamit ng lucky color, pampasuwerte ng bebot na wa’ work at dyowa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 13, 2021
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| December 13, 2021


Dear Maestro,


Ako ay Taong Uno dahil ang birth date ko ay 10. Kaya lang, nagtataka ako dahil hanggang ngayon ay tila wala pa ring suwerteng dumarating sa aking buhay. Wala kasi akong permanenteng trabaho ngayon at wala ring boyfriend, kailan ba darating ang suwerte ko?


Magtu-25 na ako sa next year, pero feeling ko ay wala pa rin akong naaabot na kahit ano sa aking buhay.


Ano ang dapat kong gawin para umunlad, maging maligaya at magtagumpay ako, lalo na sa career at love life? July 10, 1997 ang birthday ko.


Umaasa,


Step ng Wawa, Abucay, Bataan

Dear Step,


Hindi ka talaga dadatnan ng magandang kapalaran hangga’t hindi mo binabago ang magulo o nababoy mong lagda. Ang lagda kasi ang tunay na repleksyon ng inner self at unconscious self ng isang tao kung saan kapag pangit o hindi ito maganda, siguradong hindi rin maganda ang pananaw mo sa buhay, kaya naman hindi rin nagkakaroon ng positibong pangyayari sa iyong buhay.


Kaya para magkaroon ng positibong pangyayari sa buhay ng isang tao tulad mo, dapat maayos, maganda, hindi nababoy at naburara ang kanyang lagda.


Ang una mong dapat gawin upang matagpuan ang magandang kapalarang iyong hinahanap ay baguhin mo ang iyong lagda. Huwag mong pagpatungin ang “S” at “M”, sa unahang bahagi, sa halip, paghiwalayin mo ang mga ito upang hindi magmukhang naburara o binura ang unang bahagi ng iyong lagda.


Kapag magkahiwalay na ang “S” at “M”, gaganda na ang unahang bahagi ng iyong lagda, kasabay nito, gaganda na rin ang pananaw mo sa buhay. Pagkatapos, ang ending ng iyong lagda, o “end stroke” na nalilikha ng paa ng letter “a”, ‘wag mong ibalikwas pakaliwa. Ito ang dahilan kaya tila naburara na naman ang dulong bahagi ng iyong pirma. Sa halip, ibalikwas mo ang nasabing pinaka-paa ng letter “a” sa direksiyong kanan. Sa ganyang pirma, gaganda na rin ang iyong kapalaran at tadhana.


Kapag hindi na burara ang umpisa at dulo ng iyong pirma, tiyak ang magaganap, uunlad, aasenso, magkakaroon ka na ng magandang career at sa larangan ng pag-ibig, gayundin, tuloy-tuloy ka nang makakatagpo ng tapat na boyfriend hanggang sa lumigaya ka habambuhay.


Samantala, hinggil naman sa iyong birth date na 10 o 1 (ang 10 ay 1+0=1, ang totoo ay simple lang para umunlad, maging maligaya at magtagumpay ang mga Taong Uno.


Lumabas ka ng bahay sa mga favorable months mo at kusang darating ang suwerteng hinahanap mo.


Sa katulad mong Cancer, ang mapalad mong panahon ay mula sa ika-19 ng Pebrero hanggang sa ika-28 ng Marso, mula sa ika-19 ng Hunyo hanggang sa ika-28 ng Hulyo at mula sa ika-19 ng Oktubre hanggang sa ika-28 ng Nobyembre. Sa mga panahong nabanggit ka maghanap ng trabaho at boyfriend dahil tiyak na makakatisod ka ng kakaibang suwerte at magandang kapalaran.


Pagkatapos, dahil ikaw ay Cancer na may birth date na 10 o 1 sa destiny number na 3, dapat ding palagi mong isuot ang favorable colors mo tulad ng berde, dilaw at red.


Ganito ang paggamit, tuwing sasapit ang mga petsang 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 8, 17 at 26, magsuot ka ng kulay na berde, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Lunes at Sabado. Habang tuwing sasapit naman ang mga petsang 4, 13, 22, 31, 1, 10, 19 at 28, magsuot ka ng dilaw, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Linggo. Kapag naman sumasapit ang mga petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27, lalo na kung ang ito ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes, magsuot ka ng pula. Sa pagsusuot ng suwerteng kulay sa tamang panahon, kusa kang dadatnan ng magaganda at positibong kapalaran.


Samantala, ayon sa Decadens ng Kapalaran, sa taong 2026 at sa edad mong 29 pataas, kapag sinunod ang simpleng mungkahing nabanggit, makakatagpo ka ng magandang career. Kasabay nito, darating din ang lalaking magiging tapat at mabuti mong boyfriend, hanggang siya ang tuluyan mong makasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page