Maayos na heart at marriage line, tanda ng maligayang pag-aasawa
- BULGAR
- Sep 18, 2022
- 1 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | September 18, 2022

KATANUNGAN
Nagbabalak na kaming magpakasal ng boyfriend ko. Gusto kong malaman kung ano’ng buwan magandang magpakasal sa susunod na taong 2023? Halimbawang naikasal na kami, magiging masaya ba ang papasukin naming pag-aasawa?
Isinilang ako noong September 2, 1995, habang ang boyfriend ko ay isinilang noong May 16, 1993.
KASAGUTAN
Maganda at maayos naman ang pagkakaguhit ng kaisa-isa at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na kung matagal na kayong magkarelasyon ng boyfriend mo at nagmamahalan naman kayong dalawa, puwede na kayong magpakasal.
Sapagkat ang maligayang pag-aasawa na binabanggit ng kaisa-isa at maayos na Marriage Line (arrow a.) ay kinumpirma rin ng walang bilog, hindi nalatid at nakatuntong sa Bundok ng Jupiter, na tinatawag din nating Bundok ng Tagumpay (arrow b.) na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ang mga datos na nabanggit ay malinaw na tanda na ang papasuking pag-aasawa ay siguradong maging matagumpay at maligaya.
MGA DAPAT GAWIN
Aira, ang zodiac sign mong Virgo at Taurus naman ang boyfriend mo ay nagsasabing, mapalad at okey kayong magpakasal sa susunod na taong 2023, na nagkataong taon ng Rabbit o Kuneho, na kilala sa pagiging maraming manganak sa buwan ng Mayo hangang Oktubre, sa mga pili na petsang 1, 10, 19 o 28.
Itapat lamang ang kasal sa panahong papabilog o papalaki ang buwan sa langit. Sa ganitong paraan, tulad ng papabilog at papabulas na buwan, magiging papabulas at papaunlad din sa kasaganaan ang inyong itatayong pamilya, habang patuloy kayong nagsasama at nagmamahalan.







Comments