top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Lucky color, dapat isuot ng bebot habang nakikipag-chat sa target na foreigner bf

BULGAR
Sep 27, 2022
2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| September 27, 2022

Dear Maestro,


Dalawang beses na akong nabigo sa pag-ibig. Sa ngayon, naghahanap ako ng ka-LDR na foreigner dahil gusto kong makarating sa ibang bansa. Sa palagay n’yo, Maestro, may suwerte ba ako sa pakikipag-LDR at may pag-asa rin ba akong makarating sa ibang bansa tulad ng US, Canada o Australia?


Anu-anong zodiac sign ang ka-compatible ko? Sana masagot n’yo ako para magkaroon naman ako ng pag-asa sa love life. September 21, 1998 ang birthday ko.


Umaasa,

Aliyah ng Diaz, Bautista, Pangasinan



Dear Aliyah,


Kung dalawang beses ka nang nabibigo sa pag-ibig, sinisigurado ng birth date mong 21 na may sumatotal na 3 (dahil ang 21 ay 2+1=3), na sa ikatlong pakikipagrelasyon, walang sablay, magtatagumpay at magiging maligaya ka na.


Kinumpirma ang pag-aanalisang ito ng destiny number mo na nagkataong 3 din, dahil ang September 21, 1998 ay kinokompyut nang ganito: 9+21+1998=2028/ 20+28=48/ 4+8=12/ 1+2=3. Magiging significant at favorable numbers mo ang lahat ng numero na pasok sa tinatawag na ‘series of 3-6-9’.


Dahil dito, tiyak na sa ikatlong pag-ibig, may masarap at panghabambuhay na relasyong mabubuo at sa panahong ‘yun, walang sablay na magtatagumpay at habambuhay ka nang magiging maligaya.


Hinggil naman sa iyong tanong kung may suwerte ka bang magkaroon ng ka-LDR, makapag-asawa ng foreigner at makarating sa ibang bansa, malinaw at positibo ang tugon dahil ang birthdate mong September 21, 1998 ay nasa pagitan ng zodiac sign na Virgo at Libra. Dahil dito, tiyak na makakapag-abroad ka sa pamamagitan ng masaya at nakakakilig na pakikipagrelasyon.


Samantala, upang mas madali kang magustuhan ng mga makaka-chat o magiging kaibigan mo sa social media na mga foreigners, mas maganda kung habang nag-uusap kayo, magsuot ka ng kulay pink, red, violet, blue, purple at iba pang kauring kulay. Dahil sa mga nabanggit na kulay, kapag nakita ka ng ka-chat mo sa kabilang linya, mas madaling maaakit ang kanilang mga mata at damdamin sa suot mong paborable at mapalad na kulay. Kumbaga, may kakaibang attraction sa opposite sex mo ang nasabing mga kulay habang suot mo dahil kumikinang ang iyong pagkatao at kusang lumalakas ang iyong sex appeal.


Mas maganda kung habang nakikipag-chat ka, medyo mahaba ang iyong buhok o well emphasized ang iyong buhok dahil sinuklay mo ito nang mabuti o nilagyan mo ng pampakintab na oil, basta kahit anong pampadulas at pampaganda ng buhok. Dahil ang buhok ng mga tulad mong isinilang sa petsang September 21, ay higit na lumulutang sa panahong sila ay nakikita ng kalalakihan. Kumbaga, sa iyong buhok unang nai-in love ang kalalakihan nang ‘di nila namamalayan.


Aliyah, kapag sinunod mo ang mga simpleng rekomendasyon sa itaas, sigurado ang magaganap sa taong 2023 at sa edad mong 25 pataas, matutupad ang iyong pangarap – magkaka-boyfriend ka ng isang foreigner, makakarating sa malayong lugar at sa naturang bansa, magkakaroon ka ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page