top of page

Lola na problemado dahil tnt ang anak sa abroad, pinag-iwanan pa ng 5 apo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 27, 2023
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | March 27, 2023


Dear Sister Isabel,


Ang isasangguni ko sa inyo ay ang problema ko sa aking anak na babae na hiwalay sa asawa. Hindi siya nagpaalam at nabalitaan ko na lang nasa abroad na siya.


Gayunman, hindi legal ang status niya ru’n kundi TNT.


Naiwan sa akin ang limang anak niya, kaya ako ang may responsibilidad sa pag-aalaga sa mga bata, gayung ako ay matanda na. Marami na akong nararamdamang sakit sa katawan, ang masaklap pa, bihira siyang magpadala, kaya napipilitan akong maghanap ng panggastos namin ng mga apo ko, hanggang sa kinontak ko na ang asawa niya para ibigay ‘yung tatlong anak nila at dalawa na lang ang natira sa akin.


Nabalitaan ko nag-asawa siya ng foreigner, pero hindi pinalad at hiniwalayan siya. Pinauuwi ko na siya rito para siya na ang mag-alaga sa mga anak niya at tutulungan na lang sana namin para mairaos ang buhay nilang mag-iina, pero ayaw niyang umuwi.


Ano ang gagawin ko para mapilit siyang makauwi sa Pilipinas? Sana ay matulungan n’yo ako sa problema kong ito.


Nagpapasalamat,

Nanay Gina ng Calamba


Sa iyo, Nanay Gina,


Makabubuting magpatulong ka sa mga opisyales na may mataas na katungkulan.


Alamin mo ‘yung agency o kung sino ang tumulong sa kanya na makaalis upang malaman mo ang kinaroroonan niya sa abroad. Sila ang gagawa ng paraan para matulungan siyang makauwi sa Pilipinas.


Subukan mong pumunta sa POEA o Philippine Embassy dahil sila ang may kakayahan na ma-trace ang pangalan ng mga illegal workers sa abroad.


Huwag ka nang mag-aksaya pa ng panahon, gawin mo na ang nararapat na gawin, dalangin ko na magkaroon nawa ng kalutasan ang problema mo sa lalong madaling panahon.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page