Listahan ng mga tumatanggap ng ayuda, ilabas sa publiko para walang isyu
@Editorial | August 10, 2022
Halagang P2 bilyon ang inilabas na pondo ng gobyerno para sa mga apektado ng krisis.
'Ika nga ng Department of Budget and Management (DBM), ang pondo ng taumbayan, dapat mapakinabangan din ng taumbayan, lalo na sa oras ng peligro.
Ang anumang ayuda ay malaking tulong para sa mga nasa alanganing sitwasyon dulot ng iba't ibang problema.
Sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) forms na bahagi ng Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances (PSIFDC) program, mabibigyan ng financial assistance para sa transportation, medical, burial, food at iba pang support services ang ating mga kababayan.
Base sa talaan noong June 30, 2022, aabot na sa 1.5 milyong kliyente ang nabigyan ng ayuda sa pamamagitan ng AICS program. Lagpas pa ito sa annual target na 1.4 milyon. Nasa 642,348 kliyente pa ang target na mabigyan ng ayuda ngayong 2022.
Habang binibigyang-prayoridad ng pamahalaan ang pagtulong sa mga vulnerable at disadvantaged sectors, marapat lang na mapunta talaga ang tulong sa mga mas higit na nangangailangan.
At sa mga makatatanggap ng tulong, gamitin natin ito sa tama, sa pangangailangan ng ating pamilya at hindi sa bisyo.
Marahil, tama lang din naman na maging bukas sa publiko ang listahan ng mga nabibigyan ng ayuda para walang isyu at para mabatid na may napupuntahan ang ating tapat na pagbubuwis.
Muli, magpasalamat kung may ayuda, tumulong kung may kakayahan at magsikap para maging mas handa na sa gitna ng krisis.



Comments