‘Libreng Sakay’ ng EDSA Bus Carousel, ibabalik na — LTFRB
- BULGAR
- Jan 4, 2023
- 1 min read
ni Lolet Abania | January 4, 2023

Posibleng ibalik ang programang libreng sakay ng gobyerno sa EDSA Bus Carousel sa una o ikalawang quarter ng taon, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa isang interview ngayong Miyerkules, sinabi ni LTFRB technical division head Joel Bolano na may budget nang inilaan para sa “Libreng Sakay” program.
“Baka we’re looking at second quarter. Hopefully, kung makakahabol ng first quarter, the better. Pero kung sakali, baka second quarter,” pahayag ni Bolano.
Ayon kay Bolano, ang proseso at ang petsa ng implementasyon ng Libreng Sakay ay hindi pa napag-uusapan habang binubuo pa rin nila ang tinatawag na “program of work” para sa budget.
Una na ring sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na pinag-aaralan na ng ahensiya ang posibilidad na ibalik ang mga free rides na mayroong P2.1 billion budget o pagsasapribado ng operasyon ng EDSA Bus Carousel.
“Ang DOTr at LTFRB ay gagawa ng programa kung paano madi-distribute itong P2.1 billion [budget],” saad ni Bautista.
Ang P2.1-billion budget ay nailaan na ng Congress para sa contract service program ng DOTr.
Matatandaan na nagbibigay ang gobyerno ng mga free rides sa EDSA Bus Carousel sa ilalim ng kanilang
“Libreng Sakay” program, kung saan nagtapos ito noong Disyembre 31, 2022. Sa ilalim ng programa, inaatasan ng gobyerno ang mga bus na magbigay ng mga libreng sakay sa mga komyuter.
Ayon sa DOTr, ang EDSA Bus Carousel ay kayang mag-accommodate ng tinatayang 320,000 hanggang 390,000 pasahero araw-araw.
Comments