LGUs 'wag magpabaya, may pandemya pa
@Editorial | October 25, 2021
Kapansin-pansing dumarami na naman ang mga pasaway, nakakalimot na may pandemya pa.
Mula nang ipatupad ang Alert Level 3 kung saan, nagbukas na ang iba pang establisimyento at nadagdagan ang mga kapasidad, dumami naman ang naging pabaya.
Kahit pa nilinaw na na bawal pa rin lumabas ang mga bata kung hindi kailangan, hayun nagkalat na sa lansangan.
May mga mall at pasyalan na dinaragsa rin ng mga bata at matatanda, hanggang sa hindi na nasusunod ang mga health protocols lalo na ang physical distancing.
Kaugnay nito, nagbabala na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na pananagutin ang mga opisyal na masosobrahan sa pagluluwag.
Kailangang kumilos ng mga awtoridad bago pa lumala na naman ang sitwasyon.
Magtalaga ng mga bantay, lalo na sa matataong lugar. Kung hindi na talaga kayang makontrol, mas mainam na tuluyan na lang ipagbawal muna ang pagpunta sa mga lugar na ito bago pa maging dahilan ng pagkalat ng COVID-19 at iba pang sakit.
Dapat ding maipaliwanag nang maayos at malinaw kung ano ba ang mga bawal sa ilalim ng Alert Level 3. Matatapos na ang buwan, marami pa rin ang nalilito kung ano ang puwede at hindi na ang resulta ay pagkalito at gulo.
Muli, tayo'y nasa gitna pa rin ng pandemya, walang dahilan para makampante o magpabaya.
Laging sumunod sa mga panuntunan.
Sa atin namang mga lider, patuloy nating gabayan at alagaan ang ating nasasakupan.
'Yung iba riyan na patulug-tulog sa pansitan o todo-kayod na sa pamumulitika dahil sa halalan, mahiya naman kayo, galaw-galaw din.



Comments