LGUs, todo-support vs. COVID-19, ayos!
- BULGAR

- Jan 22, 2021
- 1 min read
@Editorial | January 22, 2021
Habang papalapit ang pagdating ng bakuna kontra COVID-19, kani-kanyang diskarte na ang mga local government units (LGUs) kung paano makatutulong sa pagkakaroon ng supply nito.
Malaking tulong ito sa national government sakaling magkaroon ng kakapusan.
Kaugnay nito, nagkasundo ang mga alkalde sa Metro Manila na sabay-sabay ang gagawin nilang paglulunsad ng COVID-19 vaccination program, kung saan naghahanda na umano ang mga vaccinators ng lahat ng LGUs. Ready na rin ang mga lugar kung saan isasagawa ang nasabing programa.
Napag-alamang kada LGU ay mayroong 30% sa kanilang populasyon ang kanilang babakunahan at una pa rin sa listahan ang mga frontliners, mga may edad at nasa vulnerable sector. Ang tanong, handa na rin ba ang mga babakunahan?
Hindi maikakailang may mga kababayan tayo na hanggang ngayon ay nag-aalangan sa COVID-19 vaccine. Unang-una, dahil sa mga naunang kontrobersiya kaugnay ng bakuna. Pangalawa, bago ang ituturok, kaya hindi nila maiwasang mag-isip kung it ba’y safe at epektib.
Kaya bukod sa paglalaan ng budget at paglalatag ng programa, isa sa hamon sa mga opisyal ng gobyerno ay kung paano mahihikayat ang publiko na magpabakuna kontra COVID-19.
Bagama’t, hindi ito sapilitan, mas gusto pa rin sana ng gobyerno na maging kaisa ang lahat upang maging matagumpay ang laban sa pandemya.
Sa ngayon, walang ibang dapat gawin ang mga opisyal kundi ang maging tapat sa anumang usaping may kaugnayan sa COVID-19 vaccine.



Comments