LGUs, galaw-galaw sa mga reklamo sa palpak na quarantine facilities
- BULGAR
- Apr 18, 2021
- 1 min read
@Editorial | April 18, 2021
Kumakalat sa social media ang ilang larawan at videos na kuha sa quarantine facilities sa bansa.
Kabilang dito ang isang classroom kung saan magkakasama ang mahigit sa sampung indibidwal, may menor-de-edad at senior citizens, nakahilera ang mga higaan, walang barrier.
May tig-isang palikuran para sa lalaki at babae subalit, walang maayos na pinagkukunan ng tubig.
Reklamo ng mga pasyente, hindi sila kumportable at hindi nila nararamdaman na ligtas sila sa pinagdalhang pasilidad.
Kabaligtaran ito sa mga ipino-post ng ilang local government units (LGUs) na may solong lugar para sa bawat nagpopositibo sa COVID-19. May sariling palikuran, maayos na higaan, may iba na de-aircon pa at may WiFi.
Kaya ang panawagan ng mga nasa hindi maayos na isolation sites ay ibalik na lang sila sa kani-kanilang bahay lalo na kung may sarili naman silang kuwarto at hindi magiging banta sa ibang miyembro ng pamilya.
Nauunawaan natin ang kagustuhang mapigilan ang lalong pagkalat ng virus sa pamamagitan ng paglilipat sa mga quarantine facilities, subalit ang problema ay kung dito pa lumala ang kondisyon dahil sa mga kakulangan sa pasilidad.
Sana’y matutukan din ito ng kinauukulan. Pakinggan at pag-aralan natin ang mga hinaing ng mga kababayan nating hindi naman layuning sumuway sa batas kundi, nais lang nilang iparating ang tunay nilang kalagayan.



Comments