Leonard, Hayward, Brown at Antetokounmpo, maiinit
- BULGAR

- Jan 26, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 26, 2021

Tabla muli sa tuktok ng buong NBA ang Los Angeles Clippers matapos talunin ang Oklahoma City Thunder, 108-100, kahapon sa Staples Center para sa kanilang ika-13 panalo kapantay ng defending champion Los Angeles Lakers. Uminit agad para sa 14 puntos si Kawhi Leonard sa first quarter at agad naabot ng Clippers ang kanilang pinakamalaking lamang, 36-19.
Sumubok lumapit ng Thunder pero sinagot ito ng dating Thunder na si Paul George at bumalik sa 17 puntos ang lamang sa 4th quarter, 100-83. Nagtapos si Leonard na may 34 puntos, 9 na rebound at 8 assist at sinundan siya ni Serge Ibaka na may 17 puntos.
Ipinasok ni Gordon Hayward ang nagpapanalong buslo na may 0.7 segundong nalalabi at sinundan ito ng isang free throw para sa 107-104 tagumpay ng Charlotte Hornets sa Orlando Magic. Tinuldukan ni Hayward ang mahusay na laro na may 13 ng kanyang 39 puntos sa huling anim na minuto at tinulungan siya ni Miles Bridges na may 18 puntos.
Pinutol ng Boston Celtics ang tatlong sunod na talo at tinuruan ng leksyon ang Cleveland Cavaliers, 141-103. Bumida sa Celtics sina Jaylen Brown na may 33 puntos at Kemba Walker na may 21 puntos.
Nagpamalas muli ng pormang MVP si Giannis Antetokounmpo sa 129-115 tagumpay ng Milwaukee Bucks sa Atlanta Hawks. Nanaig si Antetokounmpo na may 27 puntos, habang nag-ambag ng 21 puntos ang reserbang si Bobby Portis para umakyat mag-isa sa pangalawang pwesto sa Eastern Conference sa kartadang 10-6 sa likod ng Philadelphia 76ers na 12-5.
Madaling tinalo ng San Antonio Spurs ang kinalawang na Washington Wizards na galing sa 13 araw na bakasyon, 121-101. Namuno sina Patty Mills na may 21 puntos at Lonnie Walker IV na may 16 puntos.
Humugot ng 24 puntos ang Toronto Raptors kay OG Anunoby, Norman Powell at Fred VanVleet sa 4th quarter upang mabigo ang Indiana Pacers, 107-102. Nanguna si Anunoby na may 30 puntos, VanVleet na may 21 at Powell na may 20.





Comments