top of page

Lanete at Silverie, may Sportsmanship Award

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 8, 2020
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 8, 2020





Tumanggap ng bagong karangalan ang mga professional Basketball players na sina Chico Lanete at Erven Silverie sa katatapos na matagumpay na ikalawang Philippine Professional Sports Summit na ginanap online. Ginawaran sila ng Games and Amusements Board (GAB) ng “Professional Basketball Sportsmanship Award” bilang pagkilala sa huwarang ehemplo na ipinakita nila sa kanilang mga liga.


Sa edad na 41, si Lanete ang pinakapanganay sa lahat ng manlalaro sa 2020 Chooks To Go Pilipinas 3X3 President’s Cup hatid ng TM kung saan siya ay naging playing coach ng Uling Roasters-Butuan. Sa isang liga na puno ng mga kabataan, ipinakita ni Lanete kung paano kumilos at maglaro ang isang beteranong atleta na bitbit ang 14 taon na karanasan sa Philippine Basketball Association (PBA).


Ibinigay niya ang lahat sa bawa’t laro kahit may iniindang sakit at pilay sa katawan sa higit isang linggo sa loob ng bubble sa Inspire Sports Academy sa Calamba City, Laguna. Nagpasya siya na hindi na maglaro sa Grand Finals at doon nakita ang kanyang halaga matapos matanggal ang Butuan sa semifinals.


Si Silverie ay isa sa mga pangunahing manlalaro ng La Union PAOwer na pumangalawa sa kampeon Pampanga Delta Converge sa finals ng 2019-2020 National Basketball League Black Arrow Express President’s Cup noong Oktubre sa Bren Z. Guiao Convention Center sa City of San Fernando, Pampanga. Nauna siyang ginawaran ng liga ng Huwarang Manlalarong Homegrown o ang kanilang katumbas ng Sportsmanship Award.


Unang lumikha ng pangalan si Silverie sa National Athletic Association of Schools, College and Universities (NAASCU) para sa STI College at Centro Escolar University. Ang kanyang coach sa La Union na si Coach Louie Aquino ay dating MVP ng NAASCU noong 2003 para sa University of Manila.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page