Lambda COVID-19 nasa bansa na, tripleng ingat, plis lang!
@Editorial | August 16, 2021
Kinumpirma ng Department of Health (DOH) kahapon na mayroon nang kaso ng Lambda variant ng COVID-19 sa bansa.
Ayon sa ahensiya, ito ay isang 35-anyos na babae na kasalukuyang bineberipika pa kung local case o returning overseas Filipino. Ito ay asymptomatic at nakarekober na matapos sumailalim sa 10-araw na isolation period.
Nagsasagawa naman na ng back tracing at case investigation ang DOH sa mga nakasalamuha ng nasabing pasyente.
Ang Lambda variant ay unang natukoy sa Peru noong nakaraang taon at nakasama sa Variant of Interest ng World Health Organization noong Hunyo 14, 2021.
Sa ngayon, patuloy pang inaalam kung gaano ka-transmissible ang variant na ito.
Kaya walang dahilan para magpabaya at maging pasaway. ‘Pag sinabing manahimik sa bahay, sumunod na lang at huwag nang ipilit ang kagustuhang gumala o pumarty.
Ang mahirap kasi sa iba, kapag pinagsasabihan, lalong nagpapasaway, walang pakialam saka lang titigil ‘pag tinamaan na ng sakit.
Ang masaklap, may mga nadadamay pang iba na walang kalaban-laban, tulad ng kabataan na tinatablan na rin ng virus at nagiging mas malala pa ang epekto.
Sa ngayon, maghintay tayo sa mga opisyal na pahayag ng kinauukulan, tigilan ang fake news, huwag basta mag-panic, sa halip ay dagdagan pa ang pag-iingat at higit sa lahat, ang pagdarasal.



Comments