Lalaking pagpapalain at yayaman sa 2038
- BULGAR
- Mar 31, 2023
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | March 31, 2023
Dear Maestro,
Ang problema ko ngayon ay wala akong trabaho. Dati na akong sumubok na mag-apply para sumampa sa barko, pero ‘di ako nakapasa sa interview. Nais kong makapag-abroad at subukin ang aking kapalaran kung ako ba ay magiging matagumpay, kaya naghahanap-hanap na rin ako ngayon ng a-apply-an.
Samantala, tumutulong ako sa maliit na negosyo ng aking nanay. Pangarap ko ring magnegosyo, pero wala pa akong naiisip kung ano’ng negosyo ang nais kong buksan.
Pero ngayon, gusto ko munang magtrabaho at mag-ipon upang magkaroon ng sariling puhunan habang bata pa ako. Nawa’y masagot ang aking mga katanungan. July 5, 1997, ang birthday ko.
Umaasa,
Darwin ng San Jose, Bani, Pangasinan
Dear Darwin,
Ang pinakamaganda mong magagawa ngayon ay ang magtrabaho ng kahit ano, basta ang mahalaga may trabaho ka muna. Tutal, bata ka pa, hindi ka dapat masanay nang walang ginagawa o walang regular na trabaho.
Kadalasan kasi, ‘yung mga tamad at mga taong ‘di sinusuwerte sa buhay ay pili nang pili ng trabaho. Kaya ang nangyayari, bihira o hindi sila nagkakaroon ng permanente at magandang trabaho.
Ang hindi nila alam, habang wala silang trabaho, nakakasanayan ng katawan nila na wala silang ginagawa at paikut-ikot lang kung saan. Kaya bihira na datnan ng suwerte at magandang kapalaran ang ganitong klase ng mga tao. Bukod kasi sa namimili ng trabaho ay nakakasanayan na nila na walang ginagawa sa buong maghapon.
Ang tanong mo ay kung paano ba susuwertehin sa trabaho at magkaroon ng magandang hanapbuhay? Madali lang ang sagot!
Magtrabaho ka nang magtrabaho kahit maliit ang suweldo, ang mahalaga, makasanayan ng katawan mo na palagi kang may ginagawa dahil sa ganitong paraan, masasanay ka ring gumising ng umaga.
Kapag nakasanayan mong laging may ginagawa at ‘di nababakante ang iyong oras at katawan, ang kasunod nito mas madulas at mas madali ka nang susuwertehin sa buhay at sa career.
Hindi katulad ng ibang mga tao r’yan na tatamad-tamad, ‘yung tipong, ‘di nahihiya sa mga magulang at kasama nila sa bahay na nagsisikap magtrabaho, habang siya ay maghapon lamang natutulog at tumatambay lang kung saan-saan.
Isipin mong mabuti, kung ganyan ang nakagawian ng isang tao, palagay mo ba ay lalapitan siya ng suwerte at magandang kapalaran? Syempre, hindi. Malabo silang datnan ng suwerte at magandang kapalaran.
Kaya, Darwin, wala kang dapat gawin ngayon kundi magtrabaho ng kahit ano at iwasan mong mapirmi sa bahay, kung saan wala kang ginagawa.
Kapag nagawa mo ‘yan, ‘pag lagi kang busy at hindi ka nag-aaksaya ng oras at panahon, makikita mo na sa taong ito at sa edad mong 25 pataas, kusang gaganda ang iyong career at kasabay nito, unti-unting matutupad ang lahat ng pangarap mo sa larangan man ng salapi at materyal na bagay ‘yan.
Hanggang sa tuluy-tuloy ka na ring yumaman sa isang dahilan lamang — pahahalagahan at pagpapalain ka rin ng Dakilang Lumikha, na nakatakdang mangyari sa taong 2038 at sa edad mong 41 pataas, kung saan mayamang-mayaman ka na.




Comments