Lalaking nakatakdang yumaman at iahon sa kahirapan ang pamilyang nasa probinsya
- BULGAR
- Nov 9, 2022
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | November 9, 2022

KATANUNGAN
Makakapag-abroad ba ako? Sa kasalukuyan ay nandito ako sa Maynila at nakikitira sa isang kaibigan. Galing ako sa Sorsogon at hindi n’yo naitatanong, matagal na ako sa Maynila, pero wala pa ring nangyayari sa aplikasyon ko sa abroad. Iniisip ko nang bumalik sa probinsya at asikasuhin na lang ang bukid namin du’n. Ano ang masasabi n’yo tungkol sa aking career at saan ako higit na aasenso, sa probinsya o abroad?
Ang pangalawa kong tanong ay tungkol sa aking Fate Line na madalas kong mabasa sa inyong mga artikulo. Nais kong malaman kung ano ang kahulugan ng Fate Line na nag-umpisa sa Life Line? Ganyan kasi ang Fate Line sa aking palad. Sana, bago ako bumalik sa probinsya ay mabasa ko ang inyong kasagutan kung makakapag-abroad pa ako o dapat na lang akong umuwi ng Sorsogon.
KASAGUTAN
Hinggil sa tanong kung ano ang ibig sabihin kapag ang Fate Line F-F. (arrow b.) ay nagsimula o nakadikit sa Life Line (L-L arrow a.) sa kaliwa at kanang palad, ang Fate Line na tinatawag ding Career Line na nagsimula o nakadikit sa Life Line (arrow a. at b.) ay tanda na sa sarili mong diskarte at pagsisikap, makakaya mong maiahon ang iyong kapalaran sa kahirapan.
Ibig sabihin, kadalasan, ang ganyang mga Fate Line (arrow a. at b.) ay matatagpuan sa mga indibidwal na dating mahirap o sobrang hikahos sa buhay at nagawa niyang paunlarin o payamanin ang kanilang pamilya. Ito ay nangangahulugan na darating ang panahon na makakaya mong iahon sa kahirapan ang inyong pamilya na nasa probinsya.
Dagdag pa rito, sinasabi ring ang ganyang Fate Line (arrow a. at b.) ay ehemplo ng tipikal na kuwento ng indibidwal na nanggaling sa mahirap na angkan, ngunit dahil sa kanyang masidhing pagsisikap, nagawa niyang paunlarin ang sarili niyang buhay, gayundin ang buhay ng kanyang mga magulang at kamag-anak sa malayong lugar o nasa probinsya na kanyang pinagmulan.
Ibig sabihin, dadaan ang karanasan mo sa hindi birong pagsisipag hanggang sa bandang huli, matapos kang api-apihin ng mga nakapaligid sa iyo, gayundin ang tadhana ay makakamit mo rin ang maunlad at masaganang pamumuhay (H-H arrow c.), lalo na kung ikaw ay may kapansin-pansing nunal sa kanan o kaliwang bahagi ng iyong mukha.
Samantala, kinumpirma at pinatunayan ang nasabing pag-aanalisa na makakaahon ka sa kahirapan at maiaahon mo rin sa kahirapan ang iyong pamilya sa probinsya ng malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad, na kinumbinasyunan pa ng straight Head Line (H-H arrow c.).
Kaya tulad ng nasabi na, sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, makakapag-abroad ka at sa sandaling ganap ka nang nakalayo sa sinilangan mong bayan, sa malayong lugar itatala ang sunod-sunod mong suwerte at tagumpay sa buhay, hanggang sa tuloy-tuloy ka nang umunlad at yumaman.
MGA DAPAT GAWIN
Ganu’n ang mangyayari sa iyong tadhana, Everisto, makakapag-abroad ka at makakapagnegosyo sa malayong lugar. At sa iyong pagbabalik sa probinsya, magugulat ang lahat — ang iyong mga kamag-anak, kapitbahay at kakilala— dahil maunlad na maunlad na ang iyong kabuhayan.
Ang naturang pag-unlad ay magsisimulang mangyari sa susunod na taong 2023 at sa edad mong 31 pataas. Tunay ngang sa panahong ito ng iyong buhay, makakapag-abroad ka at sa sandaling nakapag-abroad ka, lilipas ang ilang taon at pagsapit ng edad mong 52 pataas, gayundin sa taong 2044 at pagbalik mo sa inyong probinsya, sasambahin at hahangaan ka ng buong barangay dahil mayamang-mayaman ka na.







Comments