top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Lakers, Nets, Bucks at Heat namayani sa Christmas games

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 27, 2020
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 27, 2020





Niregaluhan ng defending champion Los Angeles Lakers, Los Angeles Clippers, Brooklyn Nets, Milwaukee Bucks at Miami Heat ang kanilang mga tagahanga ng malalaking panalo sa pagpapatuloy ng 2020-2021 National Basketball Association (NBA) sa Araw ng Pasko.


Uminit sa tamang panahon sina LeBron James at Anthony Davis para pabagsakin ang bisitang Dallas Mavericks, 138-115. Naghari si Davis na may 28 puntos at 8 rebound habang nag-ambag si James na may 22 puntos, 7 rebound at 10 assist at 22 puntos galing sa reserbang si Montrezl Harrell.


Nagpasabog ng 37 puntos, 6 na rebound at 8 assist si Kyrie Irving sa 123-95 panalo ng Nets sa Boston Celtics. Lumayo ng todo ang Brooklyn sa 3rd quarter sa tulungan nina Irving at Durant na ginawa ang 20 ng kanyang 29 puntos sa second half para sa kanilang ikalawang sunod na panalo para simulan ang bagong torneo.


Sinamahan ng dayong Clippers ang Nets sa 2-0 matapos ang 121-108 pagwagi sa Denver Nuggets. Patuloy pa rin ang mainit na shooting nina Paul George na ipinasok ang limang tres para sa 23 puntos at 9 NA assist at Kawhi Leonard na may dagdag 21 puntos at 7 assist.


Hindi nagpahuli ang Bucks at tinambakan ang Golden State Warriors, 138-99, kung saan nag-piyesta ang Bucks sa malabnaw na depensa ng mga bisita at gumawa ng 33 puntos o higit pa sa bawat quarter. Namuno sa panalo si Khris Middleton na may 31 puntos kahit hindi na siya naglaro sa huling quarter habang nagtala ng double-double si Giannis Antetokounmpo na 15 puntos at 13 rebound.


Nakabawi ang Heat sa pagkatalo nila noong isang araw at ibinuhos ang sama ng loob sa bisitang New Orleans Pelicans, 111-98. Pinasok ni Duncan Robinson ang pitong 3 para magtapos na may 23 puntos at sinundan siya ni Goran Dragic na may 18 puntos at 9 na assist.


Samantala, nagluksa ang NBA sa pagkamatay ng alamat ng Boston Celtics na si KC Jones sa edad na 88. Nagkampeon ang Celtics sa kaniyang unang walong taon bilang manlalaro mula 1958-1959 hanggang 1965-1966 at sinundan ito ng tatlo pa bilang coach noong 1981, 1984 at 1986.


Si Jones ay bahagi ng maikling listahan ng mga manlalaro na nagwagi ng kampeonato sa NBA, NCAA (University of San Francisco 1955 at 1956) at Olympics (Melbourne 1956) at nahalal siya sa Naismith Hall of Fame noong 1989. May isa pa siyang singsing bilang assistant coach ng Lakers noong 1971-1972.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page