top of page

Lakas ng loob, kailangan pairalin para makapag-negosyo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 22, 2020
  • 2 min read

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | July 22, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Leonalyn na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Naututulog ako, tapos tumayo ako at sumilip sa bintana, tapos nakita ko na nagbago ang kapaligiran namin. Malalaking punong-kahoy na hitik sa bunga ang nakita ko tulad ng mangga, guyabano, langka, avocado at hindi ko na matandaan kung anong mga puno ‘yung iba kong nakita.


Bumaba ako ng bahay, pero naalala ko, tulog nga pala ako, kaya bumalik ako sa silid at natulog ulit.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Leonalyn


Sa iyo Leonalyn,


Dumating na ang takdang panahon na magbabago ang buhay mo at ang pagbabago ay nakatutok sa pangkabuhayang aspeto.


Kung may negosyo ka, sinasabing ito ay uunlad, kung wala ka namang negosyo, dapat magkaroon ka, kaya ang susunod na payo, kahit maliit na pagkakakitaan ay ‘yun ang simulan mo.


Hindi ka bibiguin ng iyong panaginip. Ang pag-asenso sa larangan ng negosyo ay makakamit mo, kaya lakasan mo ang iyong loob at tutukan ang negosyo mo kung sakaling may negosyo ka na ngayon.


Lakas lang ng loob ang iyong kailangan, kaya ang sinasabing hindi makapagnegosyo dahil walang puhunan ay hindi para sa iyo, dahil may kasalukuyang negosyo ka na.


Gayundin, ito ang kailangan kung wala ka pang negosyo, pero hindi ang lakas ng loob na mangungutang sa mga bumbay o pautangan.


Mas magandang lumapit ka sa iyong mga kaibigan, kakilala at kapamilya at sabihin mo sa kanila na magnenegosyo ka, at tutulungan ka nila.


Muli, lakas ng loob ang iyong kailangan. Pag-aralan mo ito dahil ang mga nagtagumpay na ay lakas ng loob ang naging dahilan kung bakit napakarami ng kanilang naipundar na kabuhayan.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page