Lahat ng sementeryo, sarado sa undas — Palasyo
- BULGAR

- Sep 18, 2020
- 1 min read
ni Lolet Abania | September 18, 2020

Isasara ang lahat ng sementeryo, kolumbaryo at memorial park sa buong bansa mula October 29 hanggang November 4, 2020, ayon sa Malacañang.
Ito ang inanunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque ngayong Biyernes matapos ang naging rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na pansamantalang isara ang lahat ng sementeryo sa loob ng isang linggo ngayong darating na Undas.
Ayon sa IATF, tradisyonal nang ginagawa taun-taon ang pagdalaw ng mga Pinoy sa kanilang kaanak na namatay na tuwing All Souls' at All Saints' Day, subali't dahil sa pandemya ng COVID-19, mas mabuting pansamantalang isara ang mga ito upang maiwasan ang pagsasama-sama at pagdagsa ng tao sa lugar.
Gayunman, maaari pa ring dalawin ang mga mahal natin sa buhay na yumao bago sumapit ang ibinigay na petsa ng pagsasara nito, ayon sa IATF. Pinapayuhan din ang lahat na patuloy na sumunod sa mga health at safety protocols tulad ng pagsusuot ng facemask, face shield at social distancing sa mga naturang lugar.





Comments