top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Laging bigo sa negosyo, dapat magpokus sa isang gawain

BULGAR
Jul 7, 2022
2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 7, 2022


Dear Maestro,


Matapos kong mag-abroad ng limang taon, nakaipon ako. Dati akong factory worker sa Taiwan at nagnegosyo agad ako pag-uwi ko rito. Ang masakit, sa dami kong nahawakang negosyo, bagsak at nalugi lahat, hanggang sa nabaon pa ako sa utang.


Sa ngayon, dahil na rin sa tulong ng mga kapatid at asawa ko ay unti-unti na akong nakakabangon. At ang napagbentahan ng lupa namin sa probinsya ang siya namang gagamitin ko sa pagsisimula ng panibagong negosyo.


Maestro, kinakabahan at natatakot na akong mawala na naman ang huling pera na hawak ko ngayon, kaya gusto kong malaman kung sadya bang wala akong suwerte sa negosyo? Kung mayroon pa akong nalalabing suwerte, ano ang angkop na kalakal o produkto para sa akin? August 27, 1977 ang birthday ko.


Umaasa,

Bobby Joe ng Balibago, Lian, Batangas


Dear Bobby Joe,


Hindi tamang produkto o angkop na kalakal ang kailangan mo kundi ang konsentrasyon o pokus sa iyong ginagawa. Karamihan kasi sa mga Taong Nueve (9) tulad mo (dahil ang birth date na 27 ay 2+7=9) ay kulang sa konsentrasyon kaya sila nabibigo at nalulungkot sa buhay. Marami sana silang nagagawa, pero dahil sa dami nito, hindi nila naibubuhos ang 100% nilang enerhiya sa iisang gawain lamang.


Kaya tulad ng mga Taong Singko (5), ang kadalasang nagiging kapalaran ng mga Taong Nueve kapag nawalan sila ng pokus sa iisang larangan, du’n siya nagkakandabigo-bigo sa buhay.


Ang hindi nila alam, kung matututunan nilang ibuhos ang 100% ng konsentrasyon sa iisang larangan, produkto at gawain, at ‘yun lang ang gagawin sa buhay, siguradong magiging maligaya at magtatagumpay na ang mga Taong Singko at Taong Nueve.


Ano ngayon ang dapat mong pagtuunan ng pansin matapos ang paulit-ulit na pagkabigo sa pagnenegosyo?


Sa pagkakataong ito, dahil ikaw ay isang Virgo na may birth date na 27 o 9 (ang 27 ay 2+7=9), sa destiny number na 5 (8+27+1977=2012/ 20+12=32/ 3+2=5), dapat kang magpokus sa mga bagay o gawaing may kaugnayan sa komunikasyon, publishing, mass media, internet, cell phone, tablet, computer at iba pang high tech na kasangkapang uso ngayon. Kung ikaw naman ay isang writer o may kakaiba kang kilatis sa arts o sining, maaari ka ring mag-concentrate sa pagsusulat at paggawa ng mga kakaibang kuwento at nobela, na ikaw pa lang ang magpapakilala ng nasabing bagong panitikan sa market.


Bukod sa nasabing mga kalakal at gawain, puwede mo ring subukan ang mga negosyong ikaw ay nagde-deliver, nagdi-dealer o ikaw ang middleman. Kumbaga, naghahanap ka ng “order” at kapag nakakuha ka ng malaking order, papatungan mo ng kaunting halaga, habang ikaw naman ang kukuha sa mga kumpanya at magde-deliver sa mga napa-order mong tindahan o kumpanya.


Sa mga gawaing nabanggit mo ibuhos ang iyong konsentrasyon, lakas at enerhiya, at tiyak na magtatagumpay ka, bagkus, magiging maligaya ka pa habambuhay.


Habang, ayon sa iyong Career Calendar, basta’t aalisin mo lang ang yabang at ego, kusa kang yayaman at uunlad kahit ano pang negosyo o kalakal ang pasukin mo. Ang nasabing pagsisimula ng pag-asenso na hahantong sa ganap na pagyaman ay nakatakdang mangyari sa taong 2029 at sa edad mong 52 pataas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page