Labs pa rin si ex, ‘di makakatuluyan; girl, dapat nang mag-move on
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | February 05, 2022

KATANUNGAN
Naghiwalay na kami ng boyfriend ko. Nagsimula ito sa maliit na hindi pagkakaunawaan, pero dahil matagal ko siyang hindi kinausap dahil hindi naman siya nagte-text at humihingi ng tawad, tiniis namin ang isa’t isa.Tumagal ang break-up namin, pero ngayon, inaamin kong miss na miss ko na siya at hindi ko pala kayang mawala siya sa buhay ko. Naging masakit kasi ang aming paghihiwalay. Hindi kami nagkausap nang maayos, bagkus, biglang nawala ang aming komunikasyon. Okey lang sana kung naghiwalay kami matapos mag-usap para hindi naman masyadong mabigat sa aking loob.
Gusto ko siyang kausapin, pero hindi naman siya sumasagot sa mga text at tawag ko. Alam kong ‘yun pa rin ang number niya dahil may mutual friend kami. Kapag ‘yun ang nagte-text sa kanya, sinasagot naman niya, pero kapag number ko, ayaw niyang sagutin.
Sa palagay mo, Maestro, magkakabalikan pa ba kami? Mahal na mahal ko pa rin siya hanggang ngayon, at kung maibabalik lang ang nakaraan, dapat ako na ang unang nagpakumbaba para hindi na lumala ang sitwasyon. Napakahirap pala na ang isang mahal mo ay bigla nalang mawawala, samantalang nasanay ka na palagi mo siyang kausap at kasama.
KASAGUTAN
Ang totoo, lahat ng bagay ay lumilipas at nawawala. Anumang bagay dito sa mundo na may simula ay lagi namang may wakas. Kaya kung kapiling mo ang boyfriend o girlfriend mo ngayon, sulitin mo na dahil ito ay lilipas din. Kung niyayaya ka niyang mamasyal o gusto ka niyang makasama sa tahimik at romatinkong lugar, pagbigyan mo at magpakaligaya kayo.
Kung kapiling mo ang dyowa mo ngayon, pagsawaan mo nang tingnan ang makinis at maputi niyang mukha. Hawakan mo ang kanyang malasutlang buhok. Pagsawaan mo nang titigan ang kanyang mga mata dahil bukas ay maaaring kayo ay maghiwalay na. Yakapin mo na siya nang mahigpit, makipaghalikan ka nang ubod ng tamis dahil baka bukas, kayo ay magkalayo na. Tunay ngang ang lahat ng bagay ay lumilipas at natatapos. Ngunit sa kanyang pagkawala, kung nilubos mo ang iyong pagsasama, wala kang panghihinayangan. At kung sakali namang hindi siya mawala at napangasawa mo siya, lumuhod ka at magpasalamat sa Diyos.
Gayunman, hindi na babalik at hindi na muling mabubuo ang relasyon n’yo ng boyfriend mong may iba nang mahal sa kasalukuyan. Ito ang nais sabihin ng maliit na bilog o island na rumehistro sa Heart Line (Drawing A, at B. h-h arrow a), sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda ng isang manipis na kabiguan sa pag-ibig ang nakatakda mong maranasan, ngunit kayang-kaya mo pa ring makapag-move on, na madali namang mangyayari pagdating ng lalaking inilalarawan ng kaisa-isang Marriage Line (Drawing A.at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ang ikalawang boyfriend mo na mas may edad sa iyo ang iyong makakatuluyan. Sa kanya mo ipagkakaloob ang iyong pagkababae na naingatan mo sa unang boyfriend mo, dahil tulad ng naipaliwanag na sa itaas, bagama’t ang lahat ng bagay ay natatapos at lumilipas, minsan ay may isang pag-ibig na panghabambuhay na at ‘yan ay paparating pa lamang sa iyong karanasan.
MGA DAPAT GAWIN
MJ, kalimutan mo na ang ex-boyfriend mo dahil anuman ang gawin mo o sabihin na nating lumuha ka man ng isang timba, hinding-hindi na siya babalik kailaman.
Ganu’n talaga ang buhay, may mga bagay na lumilipas at nawawala, ngunit hindi naman pagkatapos mawala at lumipas ang dating masayang relasyon ay titigil na ang mundo mo. Tunay ngang kahit sino pa ang umalis at mamaalam, kahit sino pa ang mawala at lumisan, tuloy pa rin ang buhay, tuloy pa rin ang ikot ng mundo.
At sa muling pag-inog ng mundo, ayon sa iyong mga datos, isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Gemini o Libra ang iyong makakasalubong sa daan. Siya ang magiging ikalawang boyfriend mo, na hindi na mawawala kailaman. Hindi na rin lilipas ang inyong pagmamahalan, sapagkat kayo na ang itinakda ng tadhana upang magsama habambuhay.




Comments