Laban ni lover vs. Yiyo pang-world title fight
- BULGAR
- 6 hours ago
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports | October 17, 2025

Photo FIle
Misyong maging matagumpay ang darating na laban ni unbeaten Filipino rising sensation Kenneth “The Lover Boy” Llover sa pakikipagharap kay Argentinian Luciano Francisco “Yiyo” Baldor upang maisakatuparan ang pangarap na sumabak sa world title fight sa bisa ng isang title eliminator.
Halos nasa sukdulan ng paghahanda at pagsasanay ang 22-anyos na southpaw laban sa beteranong Argentinian sa Oktubre 26 sa 10-round bantamweight non-title match sa Bishkek Arena sa Bishkek, Kyrgyzstan.
Nais ipagpatuloy ng pambato ng General Trias, Cavite ang winning streak para sa kanyang ikatlong sunod na panalo ngayong taon, kung saan pinasuko nitong Agosto si Luis “El Nica” Concepcion sa bisa ng 8th-round technical knockout na ginanap sa Winford Hotel Resort and Casino sa Maynila.
“Nasa 80-90 perecent na siya ng preparation. Nanood ako sa ensayo niya at ready na siya,” pahayag ni GerryPens Promotions head at dating 2-division world champion Gerry “Fearless” Penalosa sa mensahe nito sa Bulgar Sports.
Nabalahaw ang pinaplanong pakikipagsagupa ni Llover kontra South African Landile “Mandown” Ngxeke, na matagumpay na napagwagian ang parehong bakanteng International Boxing Federation (IBF) International at World Boxing Organization (WBO) Inter-Continental Bantamweight belt kontra Eric “Pitbull” Gamboa ng Mexico sa bisa ng 10-round unanimous decision noong Hunyo 29 sa Orient Theatre sa East London, South Africa.
Itinakda ng Springfield, New Jersey-based boxing organization ang pag-upak ni Ngxeke para sa bakanteng IBF world 118-pound title kontra kay Jose “El Chapulin” Salas ng Mexico sa hindi pa inaanunsyong lugar at petsa.
“We’re looking for another title eliminator [or] kung sino iyong next available na contender ng IBF, (but) most probably Riku Misuda ng Japan,” saad ni Penalosa, na kaagapay si Koki Kameda sa pagtulak ng mga laban ni Llover.
Comments