Laban lang para sa mas maginhawang 2022
@Editorial | November 22, 2021
Marami ang umaasang mas luluwag pa ang alert level sa National Capital Region (NCR).
Sa isang panayam kay Presidential Adviser for Entrepreneurship Sec. Joey Concepcion, sinabi nitong posibleng ipatupad ang Alert Level 1 sa NCR sa Disyembre.
Sa ilalim ng Alert Level 1, gugulong na ang lahat ng aktibidad sa ekonomiya nang walang limitasyon sa edad at bilang ng tao.
Kailangan lang nasa 70 hanggang 80 porsiyento ang vaccination rate sa lahat local government units (LGUs), at bakunado na ang 70% ng mga senior citizens sa buong rehiyon.
Sa pagpasok ng Disyembre, mas mararamdaman umano ang pagbangon at unti-unti pang-unlad.
Ayon sa pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nasa 92% na ang vaccinated rate sa NCR.
Kapag nagtuluy-tuloy ang pagluluwag na sasabayan ng pagsunod sa mga protocols, magiging mas magaan na ang pasok ng 2022.
Bagama’t mainit ang mga isyu sa pulitika, huwag naman sana nitong maapektuhan ang ating positibong pananaw sa pamumuhay.
Mas dapat nating pagtuunan ang pagbawi sa ating kabuhayan. Hindi dapat masyadong magpaapekto sa mga kontrobersiya at kaliwa’t kanang propaganda. Hayaan na natin sa mga pulitiko ang batuhan ng putik. Pero siyempre, dapat pa ring maging mapanuri at pagdating ng mismong halalan, doon na natin piliin ang mga karapat-dapat sa ating tiwala.
Alalahanin nating ang ating mga iboboto ay sila nating makakaagapay sa ating pagbangon mula sa pandemya.



Comments