top of page

Kung saan may kapayapaan at pag-asa, naroon ang himala

  • BULGAR
  • Mar 20, 2022
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 20, 2022


Sa nagdaang dalawang taon ng pandemya, halos tumigil na ang pagdiriwang ng misa sa Kapilya ni San Jose sa Quezon City General Hospital, sa Barangay Bahay Toro.

Dumagsa ang mga pasyente noong simula at kalagitnaan ng pandemya hanggang kalagitnaan ng nakaraang taon (2021). Sa sobrang dami ng mga pasyenteng nahawa sa COVID-19, kinulang na ang mga kama sa COVID-19 ward ng naturang ospital. Dahil dito, napilitan si Dra. Josephine Sabando, direktor ng ospital na gawing extension ng COVID-19 ward ang Kapilya ni San Jose ng ospital. Paliwanag ni Dra. Sabando na hindi mapalagay si Mayor Joy Belmonte sa planong gawing pansamantalang ward ang kapilya dahil walang ibang lugar na maaaring gawing “extension” ng COVID-19 ward.


Biglang nakilala ang tahimik na ospital nang lumabas ang mga larawan ng kapilyang naging extension ng COVID-19 ward. Sa halip na mga taong nagsisimba o nananalangin sa banal na lugar ang nasa kapilya, makikita noon ang mga kamang may pasyente.


Napuno ang ospital ng mga malulubhang pasyente ng COVID-19. At salamat at dumating ang mga “high flow ventilators” na kailangang-kailangan ng maraming pasyente.


Sa gabi, merong ilaw na nakatutok sa altar. Pinahihintulutan ng ilaw na makita at bigyang pansin ng mga pasyenteng nakahiga ang krusipiho na nasa gitna at bahaging itaas ng altar. Kitang-kita ng mga pasyente, doktor, nars at ang iba’t ibang frontliners ang krusipihong nakasabit sa gitnang itaas ng kapilya.


Ayon kay Dra. Sabando, wala pang nasasawi sa pasyenteng nagkaroon ng COVID-19. Ito kaya’y epekto ng kanilang gabi-gabing pagtingin sa banal na imahe ni Kristo? Subalit, tumingin man o hindi ang sinumang pasyente ay hindi balakid sa kapangyarihan ng banal na lugar.


Noong nakaraang Biyernes, nagmisa ako sa kauna-unahang pagkakataon sa Kapilya ni San Jose sa Quezon City General Hospital. Sa homeliya, nagkaroon ako ng pagkakataong ipaliwanag sa mga naglilingkod kung gaano katanda ang kapilya, sampu ng mga matatandang bahagi nito. Halos patay na ang lahat ng mga paring Heswita na nagturo sa dating seminaryo ni San Jose bago pa ito naging Quezon City General Hospital.


Kakaunti na lang ang mga nabubuhay na naging estudyante ng dating seminaryo. Ang pinakahuling nagmisa sa Kapilya ni San Jose ay si Msgr. Sabino Vengco ng Bulacan.

Patay na si Msgr Vengco. Buhay pa naman si Cardinal Gaudencio Rosales na sa dating seminaryo rin sa Bahay Toro nagtapos.


Itinuro ko ang matatandang berdeng tiles ng kapilya. Itinuro ko rin ang mga matatandang istatwa ni San Jose at ng Mahal na Birheng Maria. Nabanggit ko rin ang matandang istatwa ni San Ignacio de Loyola na ginawa ng kilalang iskultor na si Anastacio Caedo.


Posible bang nagmilagro sa Quezon City General Hospital, lalo na sa Kapilya ni San Jose na wala ni isang pasyente na binawian ng buhay? Lahat ay itinulay ng mga gamot at ng mga high flow ventilators. Ngunit, hindi malayong tinulay din sila ng kanilang panalangin at ng kakaibang biyaya na kaloob ng kapilya ni San Jose na lubhang pinabanal ng napakaraming mga paring hinubog at isinugo mula rito hanggang sa kani-kanilang destino sa iba’t ibang bahagi ng mundo.


Hindi lang sa Kapilya ni San Jose sa Quezon City General Hospital nagmilagro at nagmimilagro pa rin. Tiyak ko sa lahat ng mga emergency rooms at COVID-19 wards ay maraming naganap na sari-saring milagro mula sa mga malulubhang gumagaling at mga pamilyang pinagagaling ang hidwaan at ‘di pagkakasundo dahil sa mabigat na hamon ng pandemya.


Hindi lang ang Kapilya ni San Jose ang banal at pinagmulan ng nakaliligtas, humihilom at nagbibigay buhay na biyaya. Hindi kaya’t mistulang kapilya na rin ang lahat ng mga Emergency Rooms, COVID-19 wards at mga ICU sa lahat ng ospital?


Kung saan natin natagpuan ang kapayapaan at pag-asa sa mga nagdaang panahon ng pandemya, naroroon ang milagro tago man o lantad sa panahon ng pandemya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page