Kung hindi marunong rumespeto sa batas, walang ‘K’ maging pulis
- BULGAR

- Aug 31, 2025
- 1 min read
by Info @Editorial | August 31, 2025

Nakakagalit. Nakakahiya. Nakakatakot. Ito ang mga salitang paulit-ulit na pumapasok sa isipan tuwing may balitang pulis na sangkot sa krimen.Pulis na nagnanakaw. Pulis na tumatanggap ng kotong. Pulis na nang-aabuso.
Pulis na gumagamit o nagtutulak ng ilegal droga. Pulis na pumapatay nang walang dahilan. Sila ang mga taong dapat nanghuhuli ng masama, pero sila mismo ang gumagawa nito.Hindi natin maikakaila — may mga pulis na tapat sa tungkulin. Pero gaano pa ba karaming masasamang pulis ang kailangang mahuli bago tayo matauhan?
Hindi sapat ang paulit-ulit na “iimbestigahan.” Kailangan ng mas mabigat na aksyon.
Hindi dahilan ang “stress sa trabaho” o “gipit sa buhay.” Lahat tayo dumaranas n’yan, pero hindi lahat ay pumapatay o nagnanakaw. Kapag pulis ka, mas mataas ang inaasahan. May kapangyarihan ka, pero may mas malaking pananagutan.
Ang mas masaklap, minsan mismong mga opisyal pa ang nagtatakip. Saan pa tayo lulugar kung ang tagapagtanggol ay siya ring umaabuso?
Dapat lang na tanggalin, kasuhan, at ikulong ang mga pulis na kriminal. Hindi sila exempted sa batas — sila pa nga ang dapat unang sumunod dito. Kung hindi sila marunong rumespeto sa batas, wala silang karapatang magdala ng baril at uniporme.





Comments