Search
  • BULGAR

Kung hindi maiwasan... 5 paraan upang 'di malubog sa utang

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | June 28, 2020




Sunud-sunod na bilyong piso na ang utang ng Pilipinas nitong panahon ng pandemya. ‘Yung kayang nakaraang 15 taon na utang natin na 3 trilyong piso ay nabayaran na? May halos 100 milyon ang populasyon ng bansa na lahat ay nangangailangan ng tulong.


Ayoko na lang kuwentahin dahil baka ultimo ipinagbubuntis pa lang ng kapitbahay namin at ginagawa pa lang ang baby ay may daan-libo nang utang. Kung daragdagan pa ng tao ang utang na ‘yan sa pansarili niyang utang ay baka inuuod na ang katawang-lupa sa anim na piyeng hukay pagyao niya ay hindi pa bayad.


Heto ang tips upang mabilis na guminhawa ang ilan sa mga pagkakautang at maiwasan na rin ito kung maaari.

1. ITAPON MO NA ANG IYONG CREDIT CARD. Halimbawang may utang kang P9,000 sa credit card, itago na muna ang card sa isang naka-lock na cabinet. Kung maari, iwaglit mo na ang susi habang pinagbabayaran mo ito buwan-buwan. Pikit-mata mo nang gawin ang paggunting sa gitna ng credit card kung sobra nang laki ng iyong utang.

Huwag kang mag-alinlangan, ‘yan ang payo ng mga eksperto na gumagarantiyang mas maging prayoridad ang pagbayad kaysa ang gamitin ito. Mapapansin mong makatitipid ka kahit pa may naaakit na bilhin na mabibigat naman ang presyo. Huwag kang mag-alala dahil makakasanayan mo rin na hindi na mag-shopping. Tiisin mong hindi gamitin sa loob ng dalawang taon at unahin muna ang pagbabayad. Kung ano lang ang cash sa bulsa, ‘yan na lang muna ang pagkasyahing badyetin. Ngayong may krisis, siguro naman ay unti-unting mas mahalaga sa ‘yo ang pagkain, vitamins at gamot. Mientras kasi may credit card ka, kahit hindi mahalaga sa buhay ay bili ka nang bili pagkatapos ay saka ka magsisisi.

2. DOBLEHIN ANG PAGBABAYAD. Sa usaping credit card, doblehin mo ang pagbabayad sa due amount na nakadeklara sa iyong monthly bill kada buwan sapagkat kung tanging ang minimum lang ang babayaran ay napakaliit o halos wala pang 1/3 ng iyong principal amount ang mababawas sa utang. Halimbawa, may utang kang P2,000 na may 18% interes at tanging 2.5% lamang kada buwan ang iyong binabayaran, alam mo bang aabutin ng 18 taon bago mo mabayaran ang balanse niyan? Kaya pinakamabuting doblehin ang initial minimum payment na nakatala sa monthly bill at tuluy-tuloy mong bayaran ang naturang halaga buwan-buwan, tiyak na ang utang ay matatapos mabayaran sa loob ng dalawang taon lamang. Makakamenos ka ng higit sa halagang P2,000 na interes.

3. MAKIPAG-NEGOTIATE SA CREDITORS. Kahit may pinakamababang alok na interes, mahirap pa rin talaga at makukuba ka sa pagbabayad ng utang at kung sakaling hirap ka nang gawin ito sa bangko, hindi pa rin lunas ang bagong pag-aaplay ng credit card sa ibang bangko. Kaya pinakamabuting kausapin ang creditors para sa pinakamagandang deal na maibibigay nila sa ‘yo sa paraan na hindi ka mahihirapan sa pagbayad.

4. BAWASAN ANG GASTUSIN. Isa-isahin ang iyong regular na gastos at pag-aralang mabuti kung paano ito mababawasan. Kailangan mo ba talagang magkaroon ng cable T.V. stations o pinakamabilis na internet connection? Kailangan mo bang umorder nang umorder ng pagkain sa labas kung puwede ka namang magluto? Malaking kabawasan din sa isang buwan ang mga ganyang bayarin. Ayon kay Bill Staton, isang financial advisor sa Charlotte, North Carolina, marami sa mga nakakuwentuhan niya ay nagugulat kung gaano kalaki ang nagagastos nila sa araw-araw na pagkakape ng latte, pag-inom ng malalaking milk tea, softdrinks etc. kada buwan.

5. PINAKAMATIPID NA HULING BARAHA. Kung kailangan mo pa rin talagang maghigpit ng sinturon, alamin ang iba pang mga bagay sa bahay na malakas kumunsumo ng kuryente at tubig. Sino ang maaksaya sa paggamit ng gaas, sabon at iba pang ekstrang makokonsumo ng malaki? Pakainin ang mga anak ng simpleng gulay at isalit-salit ito sa ulam na baboy, manok o baka na kanilang gusto.


Ang importante ay maunawaan ng mga kasambahay at imulat sa kanila ang halaga ng pagtitipid at hindi pagkahaling sa mga bagay na hindi mahalaga.


Sa halip na umutang sa bumbay kung mamumuhunan sa negosyo, pinakamabuting ipunin ang pera bago magtayo ng negosyo, kumita man ito ay sa ‘yo pa rin mapupunta ang tubo at hindi sa ibang tao. Mamuhay nang simple, walang luho at mag-ipon. Siguro naman, ang krisis na dinaranas natin ngayon ang siyang magsisilbi nang aral o magpapabago na ng iyong pananaw sa pagtatabi ng pera sa oras nang pahirapan ang buhay. Wala nang pinakamasarap sa pakiramdam ang hindi gambalain ni 'Manny', as in, maniningil at ‘di ka mag-iisip kung saan ka na naman kukuha ng ipambabayad mo.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.