top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Kung gustong magbago, lundagin mo beybi

BULGAR
Dec 24, 2022
2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 24, 2022


Noong isang araw ay narinig natin ang kuwento tungkol sa pagdalaw ni Maria sa kanyang matandang pinsan na si Elizabeth. Nabalitaan ni Maria na buntis ang kanyang pinsan sa kabila ng katandaan nito. At gayundin si Elizabeth. Alam ng magpinsan ang hiwaga at kapangyarihan ng Diyos na bumago ng takbo ng kanilang pangkaraniwang buhay.


Samantala, nabanggit ko sa omeliya noong Huwebes ang bukambibig ng mga mag-aaral ng Ateneo noong aktibo pang nagtuturo ang Heswitang pari na si Padre Roque Ferriols Sj. Pinauso nito ang mga linyang, “Lundagin mo beybi!”


Ayon sa propesor na pari, hindi basta maipaliliwanag ang kabuluhan ng buhay dahil lubha itong malalim at malawak. Inihalintulad niya ito sa “swimming pool”.


Napaliligiran tayo ng biyaya ng Diyos, ngunit hindi natin ito napapansin dahil abala tayo sa maraming bagay na pinapupurol ang ating kakayahang makilala at madama ang biyaya.


Kakaiba ang mga banal, tulad nina Juan at Jesus. Hindi nila pinalampas ang biyaya at kapangyarihan ng Diyos. Kapag dumarating o dumaraan ang biyaya ng Diyos, sa anumang anyo o hugis na magpamalas ito, handa silang tumugon, sumunod at ‘lumundag’.


Ang biyaya ng Diyos ay pawang mahiwaga na bumabago sa ating personal na buhay at buhay ng malapit sa atin. Kung babalikan ang mga nagdaang araw, buwan at taon ng pandemya, mababalikan natin kung paano tayo tumugon sa hamon ng Panginoon, sa alok Niyang biyaya sa gitna ng panganib ng pagkakasakit at kamatayan.


Samantala sa omeliya ni Obispo Ted Bacani, ginamit nito ang mga katagang galing kay Santa Teresita ng Lisieux: Tout est Grace! O, ang lahat ay grasya. Anuman ang mangyari sa ating buhay ay maaaring gamitin para sa pagbabago at pagpapabuti ng ating pananaw at pag-uugali. Kung tutuusin, walang nasayang. Mabuti o hindi, tama o mali ay mapupulutan natin ng aral. Ang lahat ay biyaya, kung handa tayong sumuri at tumingin ng tapat sa sarili.


Makakaya tayong patawarin ng Diyos sa pagkakamali at pagkakasala, ngunit higit sa lahat nais niyang tulungan tayong magbago bilang tao at anak niya; bilang Pilipino at bilang tapat at mapagkalingang anak ni Inang Bayan.


Ngayong Pasko, sana’y higit tayong maging bukas at handang sumalubong at tumanggap sa biyaya ng Diyos. Sana’y walang pinalalampas na pagkakataong magbago, matuto at maglingkod. Handa ka bang lumundag at higit pang tumugon, maglingkod, magmahal?


Maligayang Pasko sa ating lahat!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page