"Kumatok muna kayo, bago kayo pagbubuksan" — GAB
- BULGAR

- Jul 10, 2020
- 2 min read
ni Gerard Arce - @Sports | July 10, 2020

“Kumatok muna kayo, bago kayo pagbuksan” Tila ito ang malamang na pahayag na binitawan ni Games and Amusement Board (GAB) chairman Abraham “Baham” Mitra hinggil sa mga professional leagues na nais muling magbukas ng kanilang mga liga ngunit wala pang ipinapasang mga safety protocols at health measures.
Umalma ang mga semi-professional leagues na Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL), Philippine Super Liga (PSL) at Philippine Volleyball League (PVL) ng hindi payagan ang mga ito na magpatuloy ng kanilang pag-eensayo, kasunod ng pagbibigay karapatan sa mga professional leagues gaya ng Philippine Basketball Association (PBA) at Philippine Football League (PFL) na ipagpatuloy na ang mga pagsasanay.
Inihayag ni Mitra na walang hininging basbas o paalam ang MPBL sa GAB, habang tumanggi ang volleyball na mapasa-ilalim ng ahensya. Nabigo rin ang mga ito na magpasa ng health at safety protocols sa kanilang ahensiya upang iendorso sa Inter-Agency Task Force (IATF) at sa Department of Health (DOH).
“Ask then you will receive,” sambit ni Mitra. sa mga ligang nais makakuha ng aprobasyon para makapag-ensayo, kahapon sa lingguhang TOPS: Usapang Sports sa pamamagitan ng virtual session. “Paano mo bibigyan, eh ‘di naman sila nanghihingi ng clearance. Hindi ka nag-ask tapos itatanong kung bakit iyong iba pinayagan. Of course sila lang ang nagbigay na professional league, kaya sila lang din ang inalalayan namin; and with regards to volleyball, eh wala naman silang ibinigay [protocols] sa amin. Besides tinatanong namin sila, mag-pro kayo kase may suweldo mga players n;yo. Ayaw nila. O eh di diretso sila sa IATF.”
Inamin ni Mitra na sa naging pag-uusap nila ni PSL chairman Philip Ella Juico sa telepono ay tumanggi itong mahawakan ng GAB dahil isa umano silang commercial league o Professional-Amateur, gaya ng mga panahon ng MICAA (Manila Industrial and Commercial Athletic Association).
“Ewan ko ba ‘bat ayaw nilang ma-under ng GAB, hindi naman kami nangongolekta ng malaking fees. Hindi ko alam kung bakit ayaw nilang magparegulate,” saad ni Mitra. “Hindi daw naman daw kasi sila Professional League. It’s really up to them.”
Hindi kabilang ang tatlong semi-pro leagues sa naunang pagdinig sa Joint Administrative Order (JOA) na isinumite ng GAB kasama ang DOH, IATF at Philippine Sports Commission (PSC), dahil walang direktyang ahensya ng pamahalaan ang sasagot sa kanilang katayuan sakaling may mangyaring hawaan sa mga laro nito.
“You cannot assume that you will be allowed to play right away, porke pinayagan ang ibang professional leagues pwede ka na?,” ika ni Mitra. “Iyong PBA, grabe very strict nung protocols nila. ‘Yung PFL, ginagaya ng ibang bansa ang protocols nila kase so scientific, mga doctors, nurses, experts ang nagprepare niyan, eh sila wala, ang gusto nila maglaro na lang kaagad. Siyempre kawawa naman yung DOH, kasi sila liable dyan,” dagdag nito.
Nauna na ring sinabi ni PVL organizer at Sports Vision president Ricky Palou sa ibang reports na nananatiling school-based at amateur league ang PVL.





Comments