Kulong sa mga pasaway na kandidato, may masampolan kaya?
@Editorial | November 24, 2021
Tiniyak ng Commission on Election (Comelec) na makukulong nang isa hanggang anim na taon at hindi makaboboto at mauupo sa gobyerno ang sinumang kandidato na mapatutunayang lumabag sa mga pamantayan laban sa COVID-19.
Ang hakbang ay salig sa Comelec Resolution 10730 na binuo nitong November 17, na naglalaman sa mga paglabag bilang election offense.
Kabilang ang hindi pagsunod sa isang metrong physical distancing, hindi pagsusuot ng facemask at face shield, kailangan din ang regular na paglilinis ng mga kamay at tamang gawi sa pag-ubo at pagbahing.
Isinunod ang resolusyon sa itinatakda ng batas ukol sa eleksiyon kabilang ang Fair Elections Act at Omnibus Election Code.
Pagmumultahin din ang partido-pulitikal na mapatutunayang lalabag sa mga patakaran nang hindi bababa sa P10, 000.
Pinagsusumite rin ang mga nag-organisa ng kampanya ng notarized na affidavit of compliance with health protocols sa Comelec sa loob ng 24-oras matapos ang pisikal na pangangampanya.
Ang tanong, paano naman ang mga paglabag na ginawa bago ang itinakdang campaign period na ayon sa Comelec ay sa Pebrero 8, 2022 pa?
Kapansin-pansing grabe na ang maagang pangangampanya. Nagkalat na ang mga mukha ng mga nag-aambisyon sa puwesto. Kitang-kita kung paano hindi nasusunod ang mga protocols laban sa COVID-19?
Puwede bang sabihin na lang na hindi pa sila opisyal na kandidato at hindi pa campaign period kaya hindi ito maituturing na paglabag?
Sana ay matigil na ang ganitong sistema. Nalalagay lang sa alanganin ang publiko at lantaran na binabalewala ang batas.



Comments