top of page

Kulong, multa at bawi-lisensya para sa makulit na kamote driver

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 12, 2025
  • 1 min read

by Info @Editorial | August 12, 2025



Editorial


Hindi na bago sa mga motorista at mananakay sa Pilipinas ang salitang kamote driver — isang terminong ginagamit upang ilarawan ang mga walang disiplina, mapanganib, at kadalasang pasaway na drayber sa kalsada. 


Silang mga hindi sumusunod sa batas-trapiko. 


Sa kabila ng paulit-ulit na paalala at mga umiiral na batas, tila ba lalo pang dumarami ang ganitong uri ng mga motorista.Ang epekto? Disgrasya, trapik at pagkasira ng kaayusan sa lansangan. 


Araw-araw, may mga naitatalang aksidente kung saan sangkot ang mga "kamote". Masaklap, hindi lamang sila ang napapahamak kundi pati mga inosenteng pedestrian at kapwa motorista.Panahon na upang seryosohin ang panawagan ng publiko: Patawan ng mas mabigat na parusa ang mga pasaway na drayber.Hindi sapat ang simpleng ticket o maliit na multa. Marami sa kanila ang inuulit ang paglabag dahil batid nilang maliit lang ang kapalit ng kanilang kapabayaan. 


Ang dapat ipataw ay mga parusang may bigat at tunay na epektibo: mataas na multa, pagkumpiska ng lisensya, sapilitang re-education o defensive driving courses, at sa malulubhang kaso — pagkakakulong.


Hindi ito usapin ng panggigipit kundi ng disiplina. Ang kalsada ay hindi laruan. Buhay ang nakataya sa bawat pagmamaneho. Kung hindi natin paiiralin ang mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa mga kamote driver, patuloy na malalagay sa panganib ang buhay ng marami.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page