top of page

Kulang sa tulog, pagiging iritable at malungkot, sign ng pandemic burnout

  • BULGAR
  • May 9, 2022
  • 2 min read

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| May 9, 2022



Hindi maitatanggi na nagdulot ng trauma ang COVID-19 pandemic sa iba’t ibang aspeto ng ating buhay.


Bagama’t may ilang pagbabago sa ating sitwasyon matapos ang dalawang taon nang makapasok ang pandemya, nananatiling hamon para sa ilan ang mental health crisis.


At ayon sa mga eksperto, halos lahat ng age group at propesyon — bata, mga magulang, college students at frontline workers — ay hirap sa kanilang mental health sa nakalipas na dalawang taon, kung saan ang mga may preexisting physical and/or emotional challenges ay mas vulnerable sa stress na dulot ng social isolation.


Gayunman, base sa Journal of General Internal Medicine, ang lebel ng mental distress ng healthcare workers sa simula ng pandemya ay maihahalintulad ng moral injury na naranasan ng mga sundalo sa combat zones.


Habang marami sa atin ang nakaranas at patuloy na dumaranas ng burnout o chronic trauma response, nilinaw ng mga eksperto na ang mga term na “burnout” at “trauma” ay hindi lamang ginagamit sa mga apektado ng COVID-19.


Samantala, ibinunyag ng isang doktor na may mga pasyenteng nakararanas ng exhaustion at frustration o pagkapagod at pagkabigo sa kabila ng kanilang preexisting mental health condition.


At bagama’t akala natin ay normal at hindi dapat ikabahala ang nararanasan nating hirap sa pagtulog o pagkairita, ipinaalala ng mga eksperto na ang sintomas ng pandemic trauma ay posibleng magsimula sa simpleng bagay. At ‘pag hindi ito natugunan, posibleng maging hadlang ang burnout sa ating daily activities.


Dagdag pa ng mga eksperto, ang distress sa loob ng mahabang panahon ay maaaring mauwi sa clinical diagnosis at anxiety treatment o Post-traumatic stress disorder (PTSD), ngunit ang burnout ay mas magaan at kayang solusyunan sa pamamagitan ng lifestyle changes.


Pero anu-ano nga ba ang senyales ng burnout?


1. FATIGUE. Kung inaalam mo kung gaano karaming oras ang kailangan mo para tapusin ang isang gawain, malamang na nakakaranas ka na ng burnout.


2. NAIIRITA. Sey ng experts, ang kawalan ng kontrol ay maaaring magresulta sa frustration. Kaya naman, inirerekomendang maging kalmado sa lahat ng pagkakataon, lalo na kapag may mga kausap na tao upang maiwasan ang pagkairita.


3. HIRAP MATULOG. Ang kakulangan sa tulog o sobrang caffeine intake ay isa na ring senyales.


4. MAS MARAMING INIINOM NA GAMOT. Tulad ng caffeine, ang alak at ilang gamot ay posibleng gamitin upang ‘matago’ ang ilang burnout-related behaviors. Gayundin, anumang ginagawa o ginagamit mo upang pagtakpan ang iyong distress ay posibleng warning sign.


5. WALANG SAYA. Tila tinanggal ng pandemya sa atin ang pakikisalamuha sa ibang tao. Bagay na naging dahilan ng kawalan ng interaksiyon sa mga bagong kakilala, gayundin ‘di na natin mabalikan ang mga bagay na nagpapasaya sa atin noon. Kaya kung feeling mo ay ‘di ka masaya at ito ang nagiging dahilan ng kawalan mo ng motibasyon, it’s a sign, besh.


Hindi naging madali para sa ating lahat ang pandemya dahil bukod sa krisis-pangkalusugan, naharap din sa krisis ang ating mental health.


Paalala lang sa mga may pinagdaraanan, ‘wag tayong mahiyang humingi ng tulong sa ating pamilya o mga kaibigan. For sure, nand’yan sila para sa atin at handang makinig sa ating mga hinaing. Tandaan, hindi pagiging duwag ang paghingi ng tulong, bagkus, isa itong senyales ng katapangan.


Gayunman, we hope you are doing well, besh! Fight lang!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page