top of page

Korupsiyon sa iba pang gov’t projects, kalkalin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 30
  • 1 min read

by Info @Editorial | August 30, 2025



Editorial


Paulit-ulit ang mga pangako ng transparency at good governance, pero nananatiling malalim ang ugat ng korupsiyon sa iba’t ibang proyekto ng gobyerno. 


Bawat taon, lumalabas ang mga ulat ng overpriced na kagamitan, ghost projects, at mga proyektong natapos lamang sa papel — habang ang pondo ng bayan ay nauuwi sa bulsa ng iilan.


Sa ngayon, anomalya sa flood control projects ang hinuhukay. Kamakalawa lang nang ibulgar naman na maging ang school buildings ay pinagkaperahan din daw ng mga opisyal. 


Ang masaklap, ang mga naaapektuhan nito ay ang mga ordinaryong mamamayan. Ang pondo na dapat sana’y para sa serbisyong panlipunan ay nauubos sa mga "kickback" at "under the table deals". 


Sa halip na makakita ng progreso, ang mamamayan ay naiipit sa palyadong mga proyekto.


Hindi sapat ang simpleng paglalantad. Kailangang kalkalin, busisiin, at papanagutin ang mga nasa likod ng mga kuwestiyonableng proyekto. 


Bukod dito, dapat suportahan ng publiko ang mga whistleblower na may tapang magsiwalat ng katiwalian. Ang isang malinis na gobyerno ay hindi lamang tungkulin ng mga nasa puwesto — ito ay responsibilidad nating lahat bilang mamamayan.


Kung hindi natin kakalkalin ang ugat ng korupsiyon sa mga proyekto ng pamahalaan, patuloy tayong malulubog sa kahirapan. Panahon na para magising, kumilos, at manindigan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page