Kinilalang babaeng pari, pahiwatig na napili ng diyos para sa mga gawaing espiritwal
- BULGAR
- Mar 16, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | March 16, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lorna ng Taguig.
Dear Maestra,
Magandang araw sa inyo! Nawa ay nasa mabuti kayong kalagayan sa piling ng inyong mga mahal sa buhay.
Masyadong mahiwaga ang panaginip ko kaya ako sumangguni sa inyo.
May pinuntahan akong lugar at may kasama akong pari. Paakyat kami sa nasabing lugar patungo sa tuktok ng bundok. Nang dumating kami sa pinakadulo, may chapel akong natanaw at pumasok kami ru'n. May dalawang lalaking nakasuot ng puting damit at nakatayo sila sa gawing kaliwa at kanan sa harap ng isang mesa na may puting telang nakatakip sa ibabaw.
Tinawag ako ng lalaking nasa kaliwa, pinayuko niya ako sa harap ng mesa at pinutulan ng kaunting buhok sa gawing kaliwa malapit sa balikat. Akala ko, tapos na kaya inangat ko na ang ulo ko, pero muli akong pinayuko ng lalaking nasa kanan. Ginupit niya rin ang kaunti kong buhok sa kanang bahagi ng ulo ko malapit sa balikat. Pagkatapos ay sabay silang nagwika "Mula ngayon, hinihirang ka naming babaeng pari." Nabigla ako at hindi nakakibo. Nagising ako at uhaw na uhaw at tuyong-tuyo ang aking lalamunan, kaya agad akong uminom ng tubig. Sana ay mabigyang-linaw n'yo ang kahulugan ng aking panaginip. Nahihiwagaan ako at hindi makapaniwala.
Naghihintay,
Lorna
Sa iyo, Lorna,
Mapalad ka sapagkat ang panaginip mo ay nagpapahiwatig na isa ka sa napili ng Diyos upang gumanap ng mga gawaing espiritwal dito sa mundong ating ginagalawan. Ikaw ay pagpapalain at pababanalin lahat ang iyong mga gawain. Mapapansin mo na mayroon kang gift from the Holy Spirit, ibig sabihin, gifted ka. May gift ka ng intuition, vibration, vision at pati healing power ay mayroon ka rin.
Gayundin, napakalakas ng iyong kutob. Nasasagap mo ang mangyayari sa hinaharap bago pa ito dumating. Ang mga gift na 'yan ay ipinagkaloob sa 'yo upang makatulong sa iyong kapwa. May kakayahan kang pagalingin ang mga maysakit, gaanuman kalubha ang kalagayan ng mga ito.
Mapapansin mong nakatunghay sa iyo ang Diyos sa langit. Hindi ka Niya pinababayaan sa iyong mga pangangailangan, ngunit mapapansin mo rin na hindi ganu'n kadali ang iniatas sa iyong gampanin. Marami ring mabibigat na pagsubok na halos hindi mo na kaya.
Huwag kang mabahala dahil hawak ka ng Dakilang Lumikha. Mapasasaiyo ang mga pagpapala at biyaya hanggang sa huling sandali ng buhay mo sa mundo. Ipagpatuloy mo ang paggawa ng mabuti sa iyong kapwa at huwag na huwag kang panghihinaan ng loob. Bagama't may mga trials ka sa buhay, huwag kang susuko. Sinusubukan lamang ni Lord ang iyong katapatan sa Kanya at tibay ng pananampalataya na sa sandaling malagpasan mo, walang kaduda-duda, isa ka sa pagpapalain sa iyong buhay. Ang grasya mo'y siksik, liglig at umaapaw.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna



Comments