- BULGAR
Kidlat, babala na maiipit sa mahirap na sitwasyon
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | May 30, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Geneva ng Romblon.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na kumidlat at nagliwanag ang langit, gayundin, ang lakas ng kulog. Natakot ako at ‘di ko malaman ang gagawin.
Nagising ako nang nanginginig at uhaw na uhaw.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Geneva
Sa iyo, Geneva,
Ang kidlat sa panaginip mo ay nangangahulugan na matatagpuan mo ang iyong sarili na naiipit sa nag-uumpugang bato. Ibig sabihin, malalagay ka sa isang sitwasyon kung saan kailangang mag-isip ka nang mabuti dahil hindi mo malaman kung sino ang kakampihan, ang magulang mo ba o ang asawa at mga anak mo.
Gayunman, kung ang kidlat sa panaginip mo ay parang napakalapit sa lugar na iyong kinaroroonan, mapagtatagumpayan mo ang iyong problema. Magiging maayos ang pasya mo at mauunawaan ka ng bawat isa nang walang sinuman ang magkikimkim ng sama ang loob.
Samantala, ang sabi mo ay natakot ka sa kidlat at ‘di mo malaman ang gagawin. Ito ay nagpapahiwatig na may nagbabalak na gawan ka ng hindi mabuti. Sisiraan niya ang reputasyon mo, kaya ngayon pa lang ay talasan mo ang iyong pakiramdam at gamitin mo ang iyong isipan. Huwag ka masyadong magtiwala sa mga taong nakapaligid sa iyo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna