Kickback ng mga korup sa face mask etc, stop na!
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | May 9, 2023
FAKE NEWS ANG IKINALAT SA SOCIAL MEDIA NG MGA VLOGGERS NA GUMANDA ANG PAMUMUHAY NG MGA PINOY SA PANAHON NG DUTERTE AT MARCOS ADMIN—Sa huling buwan ng panunungkulan ni ex-P-Duterte noong Hunyo 2022, naglabas ng survey ang Social Weather Stations (SWS) na higit 3 milyong pamilyang Pinoy ang nakaranas ng paghihirap sa panahon ng Duterte administration. Habang sa 10 buwang panunungkulan ni Pres. Bongbong Marcos Jr. (P-BBM), base sa inilabas ding survey ng SWS, pumalo na sa higit 14 milyong pamilyang Pinoy ang nakakaranas ngayon ng mahirap na buhay.
Ang dalawang survey na ‘yan ng SWS ang magpapatunay na fake news ang ikinakalat sa social media ng mga loyalists at Duterte Diehard Supporters (DDS) vloggers na gumanda ang pamumuhay ng mga Pinoy sa ilalim ng Duterte at Marcos administration, boom!
◘◘◘
PAGDAMI NG MGA NAGKATRABAHO SA PANAHON NG MARCOS ADMIN, FAKE NEWS!—Sa inilabas naman na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), higit 2.42 milyong Pinoy ang jobless o walang trabaho sa panahon ng Marcos administration.
Pagpapatunay din ‘yan na fake news ang ikinakalat sa social media ng mga loyalists at DDS vloggers na marami nang nagkaroon ng trabaho sa ilalim ng gobyernong Marcos, tsk!
◘◘◘
STOP NA ANG KICKBACK NG MGA KURAKOT SA PAGBILI NG FACE MASK AT MEDICAL SUPPLIES VS. COVID-19—Inanunsyo ng World Health Organization (WHO) na hindi na global health emergency ang COVID-19, ibig sabihin, tapos na ang COVID-19 pandemic.
Dahil d’yan, malamang sobrang sad ngayon ng mga kurakot sa pamahalaan dahil hindi na sila makaka-kickback sa pagbili ng mga face mask at iba pang medical supplies na panlaban sa coronavirus, boom!
◘◘◘
KAPAG ANG MIF AY NALUGI O NAKURAKOT, KAWAWA ANG MGA DEPOSITORS NG LBP, DBP, AT SSS AT GSIS MEMBERS—Labing-isang priority bills ang nais ni P-BBM na ipasa ng Senado at Kongreso. Ang nangunguna sa priority bills na ito ay ang Maharlika Investment Fund (MIF), kung saan ang magiging pondo nito ay mula sa pera ng mga depositors ng Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP), at kung papayag pa ang mga board of directors ng SSS (Social Security System) at GSIS (Government Service Insurance System), habang ang pension ng SSS at GSIS members ay gagamitin na ring pang-invest sa MIF.
Buti sana kung siguradong kikita at hindi makukurakot ang MIF, eh, paano kapag nalugi at kinurakot ito? Malamang, ang kawawa r’yan ay ang mga depositors ng LBP, DBP at mga SSS at GSIS members, period!





Comments