Kelot, tinodas ng kaalitan
- BULGAR

- Jun 18, 2024
- 2 min read
News @Balitang Probinsiya | June 18, 2024
AKLAN — Isang 38-anyos na lalaki ang namatay nang pagbabarilin ng kanyang kaalitan kamakalawa sa Brgy. Kinalangay Nuevo, Malinao sa lalawigang ito.
Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ay nakilalang si Daruis Zapra, nakatira sa nasabing barangay.
Ayon sa ulat, habang nag-uusap ay nagkaroon ng pagtatalo si Zapra at ang hindi pinangalanang suspek na humantong para maglabas ng baril at pagbabarilin ng suspek ang biktima.
Agad dinala ng mga saksi ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.
Nagpalabas na ng manhunt operation ang pulisya para madakip ang suspek upang masampahan ng kasong murder.
HVT SA DROGA, HULI SA DRUG-BUST
QUEZON -- Isang High Value-Target (HVT) sa droga ang dinakip ng mga otoridad sa drug-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Brgy. Camohaguin, Gumaca sa lalawigang ito.
Hindi na muna pinangalanan ang suspek habang iniimbestigahan pa ito ng pulisya.
Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng umano’y shabu ang suspek kaya nagsagawa ng drug-bust operation ang mga operatiba na naging dahilan upang madakip ang pusher na napag-alamang kabilang sa HVT sa droga sa naturang bayan.
Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng 5.1 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
MAGLOLONG TULAK, TIKLO SA BUY-BUST
BACOLOD CITY -- Inaresto ng mga otoridad ang maglolong drug pusher sa buy-bust operation kamakalawa sa Brgy. 3 sa lungsod na ito.
Ang mga suspek ay itinago ng mga otoridad sa alyas na “Tatang,” 60 at “Boy,” 21, kapwa residente sa nasabing lungsod.
Ayon sa ulat, nadakip ang dalawang suspek sa buy-bust operation ng mga operatiba sa nabanggit na barangay.
Nakapiit na ang maglolong suspek na kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakakumpiska ang mga otoridad ng 205 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.
PARAK, NATAGPUANG PATAY
ILOILO CITY -- Isang pulis ang natagpuang patay sa loob ng kanilang bahay kamakalawa sa Brgy. Mansaya, Lapuz District sa lungsod na ito.
Sa kahilingan ng pamilya ay hindi na isinapubliko ang pangalan ng biktima.
Napag-alaman na ang misis ng biktima ang nakatagpo sa duguan nitong bangkay na may isang tama ng bala sa ulo sa loob ng kanilang bahay.
Sa pagsisiyasat ng pulisya ay napag-alamang walang indikasyon na pinatay ang biktima.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad para mabatid kung aksidenteng pumutok ang baril habang nililinis ito ng pulis at tumama ang bala sa ulo nito, o nag-suicide ang biktima.






Comments