Kawalan ng trabaho at magulong buhay may-asawa, malalampasan ng problemadong misis
- BULGAR
- Oct 15, 2022
- 4 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| October 15, 2022
Dear Maestro,
Ipinanganak ako noong December 4, 1976, habang ang asawa ko ay March 17, 1975 at may tatlo kaming anak na puro lalaki. Sa ngayon, medyo depressed ako dahil nawalan ako ng trabaho simula nang nagka-pandemya at kasabay nu’n, nawalan din kami ng bahay at lote. At dahil nawalan ako ng magandang trabaho, nahinto rin sa pag-aaral ang dalawa kong anak. Kaya ngayon, masyadong apektado ang relasyon naming mag-asawa at palagi kaming away-bati.
Aaminin ko na ngayon, sobrang naghihirap ang aming pamilya dahil mister ko lang ang nagtatrabaho. Nagtataka rin ako dahil hindi ako makaahon-ahon. Pinilipit na ako ng asawa ko na magtrabaho ulit at kumita sa kahit ano’ng paraan para matustusan ang sarili ko. Wala na raw akong silbi dahil wala akong pera.
Ano ang dapat kong gawin para maibalik ang dati kong buhay na may magandang trabaho, malaking suweldo, may kabuhayan at masaya? May pag-asa pa bang makaahon sa kahirapan ang kapalaran ko, gayundin, ano ang aking masuwerteng mga taon?
Umaasa,
Juliet Bahay Pare, Meycauyan, Bulacan
Dear Juliet,
Ito ang kahalagahan ng pagsusuri ng Birth Chart na hindi ipinapaliwanag ng mga Astrologo. Buti na lang, ipinaliwanag ng isang British author na si Liz Greene sa kanyang aklat na Astrological Counseling kung paanong ang planetang Saturn at Uranus ay mapangwasak o sabihin nating magulo sa sandaling pumasok at pumirmi sa Birth Chart ng isang indibidwal.
Sa Astrology, ang tawag dito ay “The Saturn Cycle”. Ito ang panahong tila bagyo at may kasama pang ugong at ‘di maipaliwanag na napakalakas na hampas ng hangin na hindi mo malaman kung saang direksyon nagmumula, pero ang talagang hinahampas nito ay ang kapalaran mo. Sa panahong ‘yun, hindi mo alam na sinasalanta na ng planetang Saturn sa iyong buhay. Ang tawag ko naman dito ay “mid-life crisis” dahil karaniwang dumarating ito sa panahong nagdadalaga o nagbibinata na ang inyong mga anak.
“The Shadow” ang tawag dito ng Psychologist na si Carl Jung. Ito ang “base material” sa terminong pang-alchemist, kung saan magagawa nila o malapit na malapit nang maging ginto ang lahat ng bagay sa isang patak lamang ng base material na ito. Pero bago mangyari ‘yun, tulad ng kapalaran ng mga Taong Otso (8), sa “matinding pagsulak ng apoy”, ang mga sangkap na gagawing ginto ay kailangan munang matunaw.
Pagkatapos matunaw o sa ibang salita ay halos mawala na ang lahat, saka pa lang muling uunlad at magiging maligaya ang isang nilalang na kinubabawan ng planetang Saturn sa kanyang Birth Chart.
Sa terminong Psychology, ang tawag dito ay “matinding conflict sa loob ng inner self” ang dadanasin ng isang indibidwal. Subalit kung mauunawaan lang niya ang nangyayari, ang dulo nito ay malaking kaligayahan at pag-unlad.
Sabi nga ni Liz Green sa aklat na sinisipi natin, “This year may comprise a period of depression and painful self-evaluation, discouragement and difficulty.” Ibig sabihin, sa halos lahat ng kasaysayan ng buhay o tala ng kapalaran, ang bawat isa ay dumadaan talaga sa “period of Saturn”. Halos sabay-sabay na nawawala ang iyong kabuhayan at sa pinakadulong pananalasa, pati na rin ang iyong pamilya at pakikipagrelasyon sa iyong asawa ay papalisin, upang pagkatapos ng madilim na karanasan sa iyong buhay ay matagpuan mo ang bagong landas na mas maaliwalas bilang preparasyon para sa mas maligaya at masaganang bukas.
Ayon nga kay Liz Green, “Badly handled, it can entail a collapse of virtually everything. Then the individual must recognize that what has collapsed is not himself, but what he thought was himself – but which is better discarded because it retarded his future growth. What a person commences under Saturn cycle will often prove a vehicle which offers him room to grow and develop his own inner strength for the duration of his life.”
Ibig sabihin, nar’yan si Saturn sa iyong buhay ngayon, hindi lang upang bigyan ka ng sari-saring mga pagsubok at kamalasan. Bagkus, sa bandang huli, kung matututunan mo ang malalim na pagninilay ang planetang Saturn, ito ang magtuturo sa iyo upang lalo kang tumatag at tumibay na harapin pa ang susunod na hamon ng buhay.
Sa madaling salita, tulad ng naipaliwanag na, dumarating talaga sa buhay ng tao at sa ating Birth Chart ang Saturn Cycle — mawawalan ng trabaho, lipunan, kaibigan, palaging makikipag-away sa asawa, mamumroblema sa mga anak o pamilya at talaga namang sabihin na nating puro problema at sunod-sunod pa kung dumating ang nasabing mga pagsubok.
Ang hindi alam ng karamihan, hindi kayo dapat maalarma sa tagpo o panahong ‘yun ng inyong buhay dahil natural na nangyayaring dumadaan si Saturn sa kapalaran. Ngunit kapag natanggap n’yo ‘yan nang maluwag sa puso, may pasasalamat at malalim na “self-evaluation”, paglisan ng planetang si Saturn sa inyong Birth Chart, tulad ng naranasan ni Job sa Bible, pagkatapos ng mga kamalasan, siksik-liliglig at mas marami pang magagandang kapalaran ang kusa namang matatanggap.
Ayon sa Decadens ng Kapalaran, ang paglisan ng planetang Saturn sa iyong Birth Chart ay nakatakdang maganap sa taong 2024, 2025, 2026 at 2027. Sa panahong ‘yun at sa edad mong 48 pataas, muling makakarekober ang iyong career, muling mag-iinit ang relasyon n’yong mag-asawa at maraming suwerte ulit ang darating sa iyong buhay, hanggang sa tuloy-tuloy na muling umunlad at lumigaya ang buong pamilya.




Comments