Karumal-dumal na krimen, talamak, balik-bitay na ba?
@Editorial | August 25, 2022
Nagkalat na naman ang mga masasamang loob. Walang pinipiling oras, tila wala nang takot sa batas.
Halos sunud-sunod ang insidente ng pagdukot, panggagahasa at pagpatay. Bumabaha rin ng ilegal na droga.
Kaya naman, muling binuhay ang panukalang batas na death penalty. Sa kabila ng ilang beses nang hindi lumulusot sa Kamara, never-say-die ang mga mambabatas.
Ang bitay lang umano ang tugon para mabawasan ang krimen sa bansa. May pag-aaral na rin umano sa ibang bansa na ang pagkakaroon ng death penalty ay nakakatulong sa mga naitatalang kaso ng krimen.
Bago pa man gumulong ang usapin sa Kongreso, mahalagang makuha ang sentimyento taumbayan, iba't ibang sektor sa pamahalaan at maging ang vulnerable sectors.
Kailangang maging malinaw ang lahat. Ito ba talaga ang paraan? Hindi kaya ito rin ang umabuso sa mga inosente at walang kalaban-laban?
Hindi maitatanggi na may isyu pagdating sa hustisya sa ating bansa. Bukod sa mabagal, may mga pagkakataon na pumapabor talaga sa mayayaman at makapangyarihan sa lipunan.
Mahalaga na maging bukas at malawak ang mga kinauukulan sa ganitong panukala. Pakinggan ang boses ng taumbayan at higit sa lahat, lagi nating isipin ang hustisya at konsensya.



Comments