Karapatan ng nagpapabakuna na makita kung naiturok sa kanila
@Editorial | July 04, 2021
Sa nagpapatuloy na pagbabakuna at ilang isyu kaugnay nito, mapapansing naging mas tutok na ang lahat sa mismong proseso.
Kasunod ng sinasabing kapalpakan tulad ng bakunang itinusok pero hindi naiturok at bakunang naiturok pero kulang, naging mas maingat na ang mga vaccinator ganundin ang mga nagpapabakuna.
Una nang sinabi ng Department of Health na okay lang na ipakita at makita ang hiringgilya bago at matapos iturok upang matiyak na kumpleto ang bakuna. Sa pamamagitan nito ay mapapanatag ang kalooban ng mismong binakunahan.
Kaugnay nito, pinaalalahanan na ang mga local government units (LGUs) na tiyaking naibibigay nila ang pangangailangan ng mga healthcare workers sa vaccination sites.
Kailangang may rotation sa duty upang makapagpahinga ang mga nagbabakuna. Matatandaang sobrang pagod ang isa sa nakikitang dahilan ng mga nangyaring sablay sa pagbabakuna.
Kaugnay nito, nangako na rin ang mga nasa pribadong sektor na maglalaan din sila ng health workers sa mga vaccination sites. Malaking tulong ito para mas maayos at mabilis na maitawid ang pagbabakuna.
Samantala, nagbabala rin ang DOH na kakasuhan ang sinumang mapatutunayang sinadya ang palpak na pagbabakuna.
Sana naman ay hindi na maulit ang mga pagkakamali.
Malaki pa rin ang ating tiwala sa mga health workers na masasabing dekada na ang binibilang sa ginagawa nilang pagbabakuna at buhos pa rin ang ibinibigay na paglilingkod sa taumbayan.
Tiniyak din naman ng DOH ang pagsasagawa ng orientation sa mga vaccinator tuwing may mga dumarating na bagong shipment ng bakuna.
Lahat ng paraan na puwedeng makatulong ay gawin na upang maging mas malakas ang ating paglaban sa COVID-19.
Mangyayari ito kung lahat ay nagtutulungan.



Comments